NAPASLANG ang pinuno ng sumisibol na bagong robbery hold-up group sa lalawigan ng Bulacan nang makipagbarilan sa mga awtoridad noong Biyernes ng madaling araw, 18 Disyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang napatay na suspek na si Dante Tecson, Jr., alyas Jun, residente sa Barangay Calumpang, sa bayan ng San Miguel, sa naturang lalawigan.
Batay sa ulat, ang grupo ni Tecson ang bagong robbery hold-up group sa bayan ng San Miguel, at sila rin umano ang nagkakalat doon ng ilegal na droga at sa mga kalapit-bayan.
Sinasabing si Tecson ang lider ng grupo na responsable sa mga insidente ng sunod-sunod na nakawan sa bayan ng San Ildefonso.
Nabatid 3:30 am noong Biyernes, 18 Disyembre, nang magkasa ng drug buy bust operation ang mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), San Ildefonso Municipal Police Station (MPS), San Miguel MPS, at Bulacan Second Provincial Mobile Force Company (PMFC) laban sa suspek.
Samantala, nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon sa ilegal na droga kaya mabilis na tumakbo sa loob ng kanyang bahay, kumuha ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad na napilitan din gumanti ng putok.
Agad dinala si alyas Jun sa San Miguel District Hospital upang malapatan ng lunas ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.
Sa pagproseso ng SOCO team sa lugar ng krimen, nakuha ang mga bala at baril, tatlong selyadong plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at buy bust money.
(MICKA BAUTISTA)