WANNA bet PNP chief, Gen. Debold Sinas?!
Hindi lang sabong ang online ngayon, maging ang jueteng ay online na rin.
Yes Sir!
At kung dati ay tatlong beses lang ang bola, ngayon ay every 30 minutes na.
Kaya ang jueteng ay hindi lang pang urban poor ngayon, kaya na nitong hikayatin tumaya kahit ang isang menor de edad na may hawak na smart o android phone.
We’re living in a high tech world na talaga!
Magkano ang tayaan sa jueteng? P10, P20 na binobola every 30 minutes?! Ang bayaran, mabilis na rin, pa-GCash-GCash na lang.
Paano ngayon ‘huhulihin’ ng mga parak ang ganyang betting sa online jueteng at sabong?!
Ang pagkakaiba lang ng dalawa, barya-barya sa online jueteng pero marami, habang sa online sabong ay malakihan.
Bawat online sabong operator ay mayroong mga ahente o kristo na siyang nagangalap ng bettor.
Siyempre sa online sabong mayroong maglalaban na dalawang manok online. Bago maglaban ay paparada na ang mga manok at huhusgahan ng kasador kung match ang magsasabong.
Kapag sinabi ng kasador na “Larga na!” ‘yun na, mangangalap na ng taya ang kristo.
Sa Puti ba o sa Pula? Logro diez, walo-anim, onse, tres, sampu-anim, o doblado?
Kung ang tayaan sa jueteng ay GCash, sa online sabong ay daraan sa banko o kaya ay paypal. Hindi na rin kailangan pumunta sa banko, tatawag lang ang bettor at ipababayad sa manager ng banko mula sa kanyang account. Lalo na kung malaking bettor.
Ang ipinagtataka lang natin sa online sabong bakit hindi nai-intercept ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), gayong dumaraan ang daan-daang libo at milyon-milyong tayaan sa banko?!
Hindi ba kayang imbestigahan ng AMLC ang nagaganap na online betting?!
Sa online sabong, may paper trail dahil may bank transaction. Kailangan lang patalasin pa ng AMLC ang kanilang mga ‘ilong.’
Sa online jueteng, may kakayahan ba ang PNP na sudsurin ang mga mananaya sa online?!
At kung sakali mang matsambahan nila, anong asunto ang ihahain ng mga awtoridad? Kasama ba ito sa paglabag sa ilalim ng cyber crime?!
Kung parang putakti na nagkakagulo sa national budget ang mga mambabatas, may nakasisilip kaya sa kanila sa nagiging hi-tech na tayaan sa mga ilegal na sugal?!
Kung walang nakapapansin nito sa mga mambabatas… walang ibang masasabi si Juan dela Cruz kundi: “Ay anak ng jueteng talaga!”