Saturday , November 16 2024

Tulong at rehab sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad tiniyak na mapapabilis ng PRRD admin – Cayetano

SINIGURO ni Taguig-Pateros First District Rep. Alan Peter Cayetano noong Biyernes sa mga residente at pinuno ng mga lokal na pamahalaan ng Batangas at Laguna na ang administrasyong Duterte ay nagsisikap sa abot ng kanilang makakaya upang pabilisin ang pagpapaabot ng tulong at rehabilitasyon sa mga lugar na naapektohan ng bagyong Ulysses noong nakaraang buwan.

Hinikayat ni Cayetano ang mga lokal na opisyal na gawin ang lahat ng aksiyon upang maibigay ang tulong na kinakailangan ng kanilang mga nasasakupan na nakaranas ng hirap at nasalanta ng bagyo at ng CoVid-19.

Sa kanyang pagbisita sa bayan ng Balayan at Laurel sa Batangas at Paete sa Laguna noong 4 Disyembre, binigyang-diin ni Cayetano ang halaga ng sama-samang pagkilos ng mga tao at opisyal para tulungan ang bawat isa na makabangon muli.

“Ang importante po malagpasan natin ‘tong mga pagsubok na ‘to nang sama-sama,” sinabi niya.

Tinulungan ni Cayetano ang mahigit 1,200 pamilya sa Balayan, Laurel, at Paete bilang parte ng kanyang programang “Bayanihan Caravan” na naglalayong mag-organisa ng mga tulong na sinusuportahan ng mga pribadong indibidwal na namimigay ng donasyon para makapagpagaan sa kondisyon ng mga pamilyang apektado ng baha, bagyo, at iba pang trahedya at kalamidad.

Sa kanyang pagbisita sa Batangas, nakipagkita rin si Cayetano kina Rep. Ma. Theresa Collantes, Rep. Eileen Buhain, Balayan Mayor Emmanuel Fronda II, Laurel Mayor Joan Amo, Vice Mayor Rachelle Ogalinola, Councilor Carlito Ogalinola, San Nicolas Mayor Lester de Sagun, at Agoncillo Mayor Dan Reyes para pag-usapan ang mga kailangan ng kanilang mamamayan.

Sa Paete, mahigit 380 pamilya at 220 frontliners ang nakakuha ng grocery packs mula sa grupo ni Cayetano, na malugod namang tinanggap nina Rep. Benjamin Agarao, Jr., Mayor Rojilyn Bagabaldo, at Vice Mayor Kid Paraiso.

Nagpasalamat ang lokal na pamahalaan kay Cayetano sa kanyang patuloy na inisyatibong makapagbigay ng tulong sa kanilang lugar simula noong sumabog ang bulkan noong nakaraang Enero at pagpasok ng pandemyang CoVid-19.

Sa kanyang talumpati, binalikan ni Mayor Amo kung paano tumulong si Cayetano sa Laurel noong Enero nang sumabog ang bulkang Taal, at noong Pebrero noong inianunsiyo ng bayan ang kauna-unahang kaso ng African Swine Fever, at noong Marso nang malagay sa state of health emergency ang bansa, at sa nakaraang pagdaan ng bagyong Ulysses sa Batangas.

“Lahat na ‘ata ng kamalasan nasa atin na. At gaya po ng sinasabi ko rati, lahat ng ‘bakit,’ pinalitan ko na ng pasasalamat,” sinabi ni Amo.

“Sa halip na magtanong ako ng ‘Bakit?’ at mag-isip ng ‘Bakit sa atin nangyari ito?’ pinalitan ko po ito ng pasasalamat, dahil hanggang ngayon, hindi po tayo nakakalimutan ng ating mga kaibigan, kagaya ng mag-asawang Cayetano, upang tayo ay tulungan,” dagdag ng alkalde.

Sa kanyang talumpati, siniguro ni Cayetano sa mga residente na hindi sila nakalimutan ng gobyerno at ipinaliwanag ang mga ginawa ng House of Representatives para maipasa ang batas na magtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), na naglalayong mapalakas ang kapasidad ng pamahalaan para mabilis at maayos na maipatupad ang rehabilitasyon.

Binigyang diin niya na kailangang bawat miyembro ng Kongreso ay lumapit at makinig sa mga problema at hinaing ng mga taong naapektohan ng mga trahdeya upang mas maintindihan ang kanilang pinagdaraanan at para mas matulungan din sila.

“Iyon ang rason kung bakit dinala natin ang Kongreso sa Batangas, sabi niya na tinutukoy ang House session na naganap sa probinsiya noong 22 Enero 2020 nang sumabog ang bulkan ng Taal.

“Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi kongresista ang nagsasalita at tao ang nakikinig. Sa kauna-unahang pagkakataon sa sesyon natin, tao ang nagsalita at nakinig ang mga kongresista,” aniya.

Idinagdag ni Cayetano, sa lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang kanilang masigasig na trabaho para sa mga nasasakupan upang maipaalala na may plano ang Diyos para sa kanilang lahat, kailangan din kumilos.

“Sinabi rin sa Biblia na kailangan umaksiyon dahil patay po ang pananampalataya o paniniwala kung wala pong pagkilos,” diin ni Cayetano.

“Laging mayroong pag-asa kahit nasa gitna ng pagsubok at mga hamon ng buhay. Dapat lagi nating iisipin na may pag-asa,” dagdag niya

Mula Nobyembre, nabisita na ng Bayanihan Caravan ang mga lugar na naapektohan ng bagyo tulad ng mga komunidad sa Camarines Sur, Albay, Bulacan, Rizal, Marikina, Batangas, at Laguna.

Sa ngayon, mahigit 6,000 indibidwal — kasama ang 3,314 miyembro ng mga grupo sa transportasyon, mga nagtitinda at frontliners — at 11,858 pamilyang nakatanggap ng pagkain sa nasabing proyekto.

About Hataw Tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *