NADAKIP ng mga awtoridad ang itinuturing na no. 5 most wanted person ng Region 3 sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong Sabado ng umaga, 5 Disyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan Police Provincial Office, ang naarestong suspek na si Ruiz Gutierrez, 32 anyos, residente sa Barangay Obrero, lungsod ng Cabanatuan, sa naturang lalawigan.
Isinilbi ang warrant of arrest dakong 9:00 am kamakalawa, ng pinagsanib na puwersa ng 3rd Maneuver Platoon ng Second Bulacan Provincial Mobile Force Company (PMFC) na pinamumunuan ni P/Lt. Roennyfo Domingo bilang lead unit, Regional Intelligence Unit (RIU) 3, Cabanatuan City Police Station (CPS), at San Miguel Municipal Police Station (MPS), sa akusado kaugnay ng kasong murder na gumamit ng ‘loose firearm’ sa ilalim ng kasong kriminal bilang 1013-M-2018 na walang itinakdang piyansa.
Ayon sa ulat, responsable ang suspek sa pagpatay sa isang nagngangalang Nelson de Guzman sa Barangay Salacot, sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan noong 14 Enero 2017.
Nasa kustodiya na ang akusado ng 2nd PMFC para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)