NAPATAY sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad ang isang notoryus na drug pusher na napag-alamang kabilang sa ‘most wanted persons’ sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng umaga, 2 Disyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang napatay na suspek na si Nestor Sumido, Jr., alyas Tong, 33 anyos, residente sa Towerville, Barangay Sto. Cristo, sa naturang lungsod, at kabilang sa PNP/PDEA drug watchlist.
Batay sa ulat, dakong 7:15 am kamakalawa nang magkaroon ng transaksiyon sa ilegal na droga sina alyas Tong at isang undercover police sa nasabing barangay.
Ngunit nakaramdam ang suspek na ang kausap niya ay undercover police kaya pumalag at bumunot ng baril saka ipinutok sa katransaksiyon na mabilis na nakakubli kaya hindi tinamaan.
Dito na kumilos ang mga back-up na pulis na nakapaikot sa lugar hanggang humantong sa shootout at sa ilang minutong palitan ng putok ay duguang humandusay ang suspek.
Nagawa pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nakuha sa lugar ang apat na selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P8,000, baril, bala, at buy bust money.
Ayon sa ulat, kilala si alyas Tong na sangkot sa malawakang pagtutulak ng ilegal na droga sa kanilang barangay at may tatlong standing warrant of arrests, dalawa sa paglabag sa RA 9165 at direct assault with attempted homicide. (MICKA BAUTISTA)