NAGHAHANDA na ang Bureau of Immigration (BI) sa pagdagsa ng mga pasahero papasok at palabas ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong kapaskuhan.
Sa isang memorandum na ipinalabas mismo ni Commissioner Jaime Morente ay nakasaad ang “Personnel Augmentation at NAIA” bilang utos sa mga hepe ng iba’t ibang dibisyon na payagan ang kanilang mga tauhan lalo ang immigration officers na magbigay serbisyo, isang araw kada linggo sa tatlong terminals ng NAIA.
Actually, noon pa man ay binanggit na natin sa ating kolum ang panawagan kina Commissioner Morente na marami sa IOs ang nagtago at nagpa-assign sa iba’t ibang sections upang makaiwas ng indulto mula noong lumabas ang isyu tungkol sa pastillas scandal!
Maging ang trabaho at obligasyon sa bayan ay umiiwas!
Hindi lang naman sa BI main office sila nagtatago kundi sa mga “admin office” ng BI-NAIA maging sa ibang units gaya ng Quality Management Unit (QMU) at Anti-Terrorist Unit ay ginawa rin tambayan ‘este’ kanlungan ng mga IO na nuknukan nang gulang sa trabaho!
Special mention din ang Center for Training and Research (CTR) sa BI Main na sandamakmak ang mga IO na nagpapalaki lang ng wetpaks at panay pabebe pa!
Ewan ba kung bakit pinapayagan sila ng atcheng ‘este’ amo nila na wala silang ginagawa?!
Panahon na para kalampagin ang mga tamad at magugulang na IOs na ‘yan!
Testingin n’yo kung may PASTILLAS kundi nagmamadaling magbumabad sa counters ang mga ‘yan! Good thing at naglabas na ng ganitong kautusan si Commissioner Morente.
Kung tutuusin, madalang pa ang flights pero kapansin-pansin na kinukulang na ang mga IO na isinisisi nila sa suspension orders at recall na natanggap ng tiwaling IOs.
Pero hindi tayo kombinsido sa dahilan na ‘yan. Sa totoo lang, nabawasan ang dami ng mga nagdu-duty sa immigration counters dahil marami ang nagpa-assign sa iba’t ibang units o admin ng BI-NAIA upang makaiwas sa trabaho at ‘yan ang dapat malaman at kastigohin nina Comm!
For sure, marami ang aangal at tatanggi sa ating paratang. Pero puwede naman natin sila pangalanan sa susunod nating kolum para magkaalaman na!
Dare me guys, and you will see!