NASUKOL ng pulisya nitong Martes, 1 Disyembre, ang isang babaeng gumagamit ng maraming account sa social media upang makapanloko matapos ireklamo ng isa niyang biktima sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, kinilala ang suspek na si Demsey Natividad, residente sa Kalsadang Munti, Barangay Catmon, sa naturang bayan.
Nabatid na gumagamit ang suspek ng pangalang Aldrich R. Bitchon at Camille Reyes bilang kanyang dummy accounts sa paggawa ng online purchases.
Sa reklamo ng biktima, upang makapanloko ay nagpadala ang suspek sa biktima ng retrato ng official receipt sa pamamagitan ng money remittance center na nagkakahalaga ng P13,940 bilang katibayan ng kabuuang bayad sa kanyang pinamili sa online.
Bandang huli, nalaman ng biktima na ang mga resibo ay peke at tampered kaya nagreklamo siya sa tanggapan ng Sta. Maria MPS na nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
Narekober mula sa suspek ang tatlong pirasong Victoria Secret lotion; dalawang pirasong pabango; isang pirasong Guess backpack; isang pirasong Gucci circle bag; isang pirasong Coach apricot doctor’s bag; isang pirasong Coach coffee doctor’s bag; isang pirasong Coach coffee Margot bag; isang pirasong MK square bag; at isang pirasong Victoria Secret backpack.
Inihahanda na ang kasong estafa at iba pang anyo ng swindling, na nakatakdang isampa sa korte laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)