TATLO ang patay at isa ang nakatakas sa enkuwentro ng mga awtoridad laban sa isang gun-for-hire group sa North Caloocan, kamalawa ng hatinggabi.
Dead on the spot ang tatlong biktimang na hanggang sa kasalukuyan ay hinahanapan ng pagkakakilanlan na hinihinalang mga miyembro ng isang gun- for- hire group na nakabase sa Region 3, habang nakatakas naman ang driver na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Batay sa ulat ni P/Major Ronald de Leon, hepe ng mobile section ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) dakong 1:45 am nang maganap ang insidente sa kabahaan ng Quirino Highway, Guadanoville Subdivision, Barangay 183, ng lungsod.
Isa umanong tip na nagsasabing daraan ang grupo ng mga suspek dahilan upang magsagawa ng checkpoint ang PNP-HPG sa nasabing lugar.
Di kalaunan, namataan ng mga awtoridad ang isang sasakyang kahina-hinala umano ang plakang XEL-583 dahilan upang itsek sa kanilang vehicle ID monitoring system at nang makompirma na karnap ang sasakyan, agad nila itong hinarang.
Hindi nagbigay ng kahit anong papeles OR/CR at sa halip ay agad na nagtangka umanong tumakas ang mga suspek, matapos ang habulan, doon na nagkaputukan.
Kaagad napatay ang isa sa loob ng sasakyan habang ang dalawa pa ay nakipaghabulan hanggang sa mapatay habang nakatakas ang driver.
Nabatid nag-o-operate ang grupo sa Region 3 at nagpunta ang mga suspek sa Quezon City kaya inaalam pa ng mga awtoridad ang pakay sa pagpunta sa Kamaynilaan.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong baril at pitong piraso ang bala. (ROMMEL SALES)