NADAKIP ang isang lalaki nang maaktohan sa close circuit television (CCTV) camera ang pagnanakaw sa isang bike shop at tinangay ang higit sa P114,000 halaga ng mamahaling bisikleta, kagamitan at spare parts sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina ang suspek na si Rannie Ventuso, 29 anyos, residente sa Malaria, Tala Estate, Barangy 188 na naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 15 sa pangunguna ni P/Cpl. Ivan Jay Estanislao at P/Cpl. Daddie Antonio, Jr.
Dakong 1:00 pm nang madiskubre ang insidente ng bike shop manager na si Cyril Marie Coinco, 29 anyos, ng Block 7C Lot 13, Legaspi St., Dela Costa Homes II Barangay 179 nang dumating siya sa shop at nakitang bukas na ang main door at nawawala ang padlock nito.
Pagpasok sa loob, nagkalat ang lahat ng stocks at ang XTR Drive Train na nasa P47,000 ang halaga, Princeton bike na P12,950 ang halaga, ilang spare parts at mga kagamitan ng mamahaling bisikleta na aabot lahat sa P114,600.
Nang suriin ng biktima ang kuha ng CCTV camera na nakakabit sa loob ng bike shop, nakilala niya ang suspek kaya’t agad siyang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ventuso ngunit hindi na narekober ng mga awtoridad ang mga ninakaw.
(ROMMEL SALES)