DERETSO sa kulungan ang 13 kataong lumabag sa batas sa magkakasunod na police operations sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon ng umaga, 29 Nobyembre.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nagresulta sa pagkakaaresto ng apat wanted sa iba’t ibang krimen sa manhunt operations na inilatag ng tracker teams ng municipal/city police stations ng San Jose Del Monte, Sta. Maria, Norzagaray, at CIDG PFU.
Kasalukuyang nakadetine ang mga arestadong wanted persons sa kani-kanilang arresting unit/station.
Nagkasa rin ng anti-illegal gambling operation ang mga tauhan ng Marilao Municipal Police Station (MPS) na pitong suspek ang naaktohang nagsusugal ng ‘cara y cruz’ sa LLVG Terminal, sa Cordero Subdivision, Barangy Lambakin, sa bayan ng Marilao.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tatlong pirasong pisong barya at bet/cash money na nagkakahalaga ng P1,360 sa iba’t ibang denominasyon.
Samantala, nadakip din ang dalawang suspek sa pagtugon ng pulisya ng San Jose Del Monte CPS at Calumpit MPS, na kinilalang sina Ed Policarpio na nasakote sa kasong Robbery sa No. 820 Sitio Feliciano, Barangay Muzon, sa lungsod ng San Jose del Monte; at si Jaytee Talampas na natiklo sa kasong Grave Threat sa Purok 1, Calumpang, sa bayan ng Calumpit.
Kasalukuyang inihahanda ang mga reklamong kriminal na isasampa sa korte laban sa mga suspek.
(MICKA BAUTISTA)