Nasamsam ang tinatayang aabot sa P800,000.00 na marijuana at tumitimbang ng humigit-kumulang sa pitong kilo mula sa tatlong tulak sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa Bgy. Tuktukan, bayan ng Guiguinto, sa lalawigan ng Bulacan, bago maghatinggabi nitong Miyerkules, 25 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan PNP, ang tatlong arestadong tulak na sina John Frederick Palaje at John Elbern Castro, kapuwa ng San Juan, Balagtas, Bulacan; at Fernan Pacson, ng Tiaong, Guiguinto, Bulacan.
Nabatid na dakong 11:00 ng gabi noong Miyerkules, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit (PUI), at SOU3 sa nabanggit na barangay kung saan isang undercover intelligence operative ang umaktong poseur buyer at nakabili ng dalawang selyadong plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa mga suspek.
Matapos ang transaksiyon at magrekisa ay nakasamsam pa ang mga awtoridad ng pitong bloke ng dahon ng marijuana mula sa mga suspek na may timbang na pitong kilo at ayon sa Dangerous Drugs Board (DDB) ay may halagang P800,000.00, at isang Kawasaki BAJAJ motorcycle na may sidecar at walang plaka.
Dinala ang mga narekober na mga piraso ng ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa pagsusuri samantalang inihahanda na ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek sa korte. (Micka Bautista)