SANDAMUKAL na kuwarta nga ba ang ‘nakatayang’ todasin ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco base sa pinag-uusapang 2021 national budget na ngayon ay hinihimay-himay sa Senado?!
‘Yan ay kung pagbabasehan ang mga pagsisiwalat na ginagawa ngayon ni Senador Pandfilo “Ping” Lacson base sa kopya ng 2021 national budget na ibinigay ng Kamara sa Senado.
Aba, ‘e parang isa-isang pinagbababaril ni Senator Ping ang mga ‘singit’ sa 2021 national budget ng Kamara … ping ping ping ping!
Kung pagbabatayan ang paglalarawan ni Senator Ping sa paglaki ng budget dahil sa mga ‘pasingit’ o ‘insertions’ e parang mula sa ‘regular birthday balloons’ e biglang naging ‘hot air balloons’ ang infrastructure budget para sa mga kongresistang kaalyado ni Speaker Velasco?!
Oh Lord! Anyare?!
Ibinulgar ni Lacson na P620 milyon ang pinakamaliit na alokasyon bawat kongresista at aabot sa P15 bilyon naman ang pinakamalaki bagama’t hindi sinabi ni Lacson kung ano-anong mga distrito ito.
Aniya, ilan sa mga naglalakihang pondo ay isang distrtito sa Davao na may P15.351 bilyong budget; sa Albay ay P7.5 bilyon, sa Benguet ay P7.9 bilyon habang sa Abra ay P3.75 bilyon.
Aba’y ang sabi nga ng senador, matinding insertions ang ginawa ng mga kongresista sa 2021 national budget at halos ang kabuuang budget ng DPWH ay mapupunta lamang sa congressional districts.
Ang tanong, bakit ang tahi-tahimik ni Velasco at ng kanyang mga alagad na kongresista tulad ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon? Hindi ba’t noong si Rep. Alan Peter Cayetano pa ang lider ng kamara, halos mapatid ang litid ni Teves sa pagkuwestiyon ng malalaking pondo umano ng mga kaalyado ni Cayetano. Pero bakit ngayon, hindi man lang siya nagrereklamo tungkol sa malakihang budget na nakuha ng mga bata ni Velasco? Dahil ba sila ay magkakaalyado?
Kaya naman, naalarma si Lacson at pinagpapaliwanag niya ang House leadership sa inaprobahan nitong infrastructure projects sa mga congressional districts na nakapaloob sa P4.5 trilyong national budget na nasa P620 milyones hanggang P15 bilyones ang alokasyong nakita sa bawat kongresista.
Sabi nga ni Senator Ping, ang insertions ng mga senador ay lumalabas na parang ‘barangay kagawad’ lamang kompara sa ‘insertions’ na ginawa ng Kamara.
“Colleagues, all I can say is, pity yourselves, those of us who may have individual insertions, it will make you look like barangay kagawads compared to our House counterparts. You see, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million,” pahayag ni Lacson.
Pinasaringan din ng senador si Velasco tungkol sa paglobo ng infra budget ng mga kongresistang kaalyado niya dahil malinaw umano na may kumpas ng House leadership ang paghahanda sa budget at kung sino-sino ang makakukuha ng malalaking pondo kaya mali na ibaling ang sisi sa DPWH dahil malinaw na ang mga congressman ang gumawa ng listahan.
Kaya naman, hindi pa dapat magdiwang ang mga kongresista dahil may bicameral komite pa na daraanan ang 2021 national budget bago ito maisabatas.
At sigurado tayo, hindi ito hahayaan mangyari ng mga senador lalo pa’t ‘plastic balloon’ lang ang nakuha nilang pondo kompara sa ‘mala-hot air balloons’ na pondong nakuha ng mga kongresistang kaalyado ni Velasco.
MEDIA LIAISON
NI VELASCO
NATUTULOG
SA PANSITAN?
Nasaan ang ‘hepe’ ng media liaison ni House Speaker Lord Allan Velasco?
Bakit natin itinatanong ito?
Aba sa rami ng mga isyung dapat sagutin ni Speaker Lord hindi natin nararamdam ang kanyang communications group.
Kumbaga sa boksing, mabibigat na kamao na ang tumatama sa mukha ni Velasco pero ‘yung ‘hepe’ ng media liaison niya ay parang ‘tutulog-tulog’ pa rin sa pansitan.
Hoy gising!
Speaker Lord, ano ba ang katotohanan sa congressional insertions na dati’y singlaki lang ng ‘birthday balloons’ pero ngayo’y singdambuhala na ng ‘hot air balloons?’
Mukhang hindi nagtatrabaho ang media liaison mo, Speaker Lord!
Mukhang ‘tamemeng-tameme’ kahit kabi-kabila na ang upak sa iyo mismo.
Kanino ba ang ‘loyalty’ niyan, nasa iyo pa ba Speaker Lord?
Just asking…