NABAWASAN ang antas ng tubig sa Angat Dam at Ipo Dam, parehong matatagpuan sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan sa nakalipas na dalawang araw.
Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division, naitala dakong 6:00 am nitong Miyerkoles, 25 Nobyembre, ang water level ng Angat Dam sa 210.76 meters, mas mababa ito kaysa 211.17 meters na naitala kamakalawa.
Nabawasan din ang tubig sa Ipo Dam, mula 100.54 meters kamakalawa ay 100.51 meters na lamang ito kahapon.
Kasagsagan ng bagyong Rolly nang unang magpawala ng tubig ang Ipo Dam na nagpabaha sa ilang mabababang bayan sa Bulacan.
Samantala, ang Angat Dam ay nagpawala ng tubig habang nananalanta ang bagyong Ulysses sa bansa na nagpabaha sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Bulakan, Calumpit, at lungsod ng Malolos na hanggang ngayon ay may ilang lugar na lubog pa. (MICKA BAUTISTA)