NADAKIP ng mga awtoridad ang may kabuuang 34 katao sa loob lamang ng isang araw na walang humpay na paglaban sa kriminalidad ng pulisya ng Bulacan nitong Martes, 24 Nobyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan Police Provincial Office, 23 sa mga naaresto ay pawang drug suspects na ang 15 ay naaktohang nagbebenta ng ilegal na droga ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Balagtas, Plaridel, Hagonoy, Calumpit, San Ildefonso, Marilao, at San Jose Del Monte City police.
Samantala, tiklo rin ang apat na huli sa akto sa isang pot session sa Barangay Lumangbayan, sa bayan ng Plaridel, habang nadakip ang apat sa Barangay Pinagtuluyan, bayan ng Norzagaray nang magpositibo sa methamphetamine hydrochloride (shabu) sa drug test bilang kalahok sa Community Base Rehabilitation Program (CBRP).
Naaresto rin ang pitong wanted persons sa iba’t ibang manhunt operations na ikinasa ng tracker teams ng Bocaue, Guiguinto, San Miguel, Hagonoy, at San Jose del Monte City police.
Nadakip ang isang suspek sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng San Ildefonso MPS sa Barangay Gabihan, sa bayan ng San Ildefonso, matapos maaktohang nangongolekta ng taya sa STL ngunit walang maipakitang STL ID na magpapatunay na empleyado ng Authorize Agent Cooperation (AAC).
Gayondin, sunod-sunod na nadakip ang tatlong suspek ng mga pulis at barangay tanod sa mga bayan ng Baliwag, Marilao at San Rafael na tumugon sa iba’t ibang insidente ng krimen.
Nakorner ang isang 57-anyos na suspek sa panggagahasa sa isang lasing na biktima sa Barangay Sta. Barbara, Baliwag, isang 19-anyos na suspek sa panggagahasa sa kainuman sa Barangay Lambakin, Marilao; at isang 39-anyos lalaking pinagsasaksak ang anak na lalaki sa Barangay Sampaloc, San Rafael. (MICKA BAUTISTA)