Friday , November 15 2024

Hayaang gawin ni LAV ang kanyang trabaho

NAKABIBILIB itong si Lord Allan Velasco. Naigiit niya ang karapatan sa Speakership, nakipag-ugnayan sa mga taong pinakamakatutulong sa kanya, at naging maingat sa kanyang mga naging pagpapasya.

Pinanindigan niya ang kanyang plano at hindi tumiklop sa gitna ng matinding pagtatangka ng beteranong karibal niyang si Alan Peter Cayetano na hadlangan ang kanyang nakatakdang pamumuno.

Ngayon, si Velasco na ang pinakamataas na opisyal sa ‘Kamara de Representantes.’ Kung hindi n’yo kilala si “LAV” noong nakaraang taon, sigurado akong kilala n’yo na siya ngayon.

May hatid na simpleng aral ng buhay ang kuwentong ito ni Velasco. Narinig n’yo na ang kasabihang “work smarter, not harder?” Ganito ang ginawa ng kongresista mula sa Marinduque, at pumabor ito sa kanya. Kamumuhian n’yo ba siya dahil sa pagiging matagumpay? Kayo ang bahala. Pero hindi ba’t matagal na nating hinihiling ang bagong henerasyon ng mga politiko?

Katutuntong lang ni Velasco ng 43 anyos, pero mukha siyang 33 taong-gulang lang.

Ngayon ang panahon upang patunayan niya ang kanyang sarili at kung ano ang kaya niyang gawin. Hayaan natin si LAV na gawin ang kanyang trabaho.

Nasabi ko ito dahil ngayon pa lang, wala pa man siyang isang buwang nauupo bilang Speaker, ay mayroon nang mga bulung-bulungan ng kudeta laban sa kanya. Ang pakiramdam niya marahil ay para siyang naglalakad sa ibabaw ng mga bombang nakabaon sa Batasan — alam niyang hinihintay lang siyang magkamali ng kanyang mga kasamahan.

Gayonman, batid ng kahit na ang mga pinakairitable sa kanya sa Kamara na hindi uubra sa ngayon ang anumang pagtatangkang patalsikin siya sa puwesto. Pupuwede nilang kutsabahin ang mga kapwa nila kongresista, pero duda ako kung may kakasa. Mismong si Pangulong Duterte ang nagpanumpa sa kanya sa puwesto nitong 9 Nobyembre bilang Speaker. Kailan ang huling pagkakataong nangyari ang ganoon?

Pabayaan nating gawin ni Velasco ang kanyang trabaho. Napagtagumpayan na niya ang unang pagsubok — ang ipasa ang panukalang 2021 national budget at maagap itong isumite sa Senado. Tinanggap ng mga senador ang kopya ng budget mula sa Kamara noong 27 Oktubre, isang araw bago ang transmittal date na itinakda ni Senate President Tito Sotto.

Sa aspektong iyon pa lamang, naisalba na ng pamunuan ni Velasco ang Kamara mula sa ilang linggo sanang prehuwisyo dahil sa ‘late’ na pagpapasa ng budget habang hinihintay nila ang pagpupulong ng Bicameral Conference Committee kasama ang mga senador.

Para sa tamang konteksto, ang budget para sa 2021 ay nagkakahalaga ng P4.506 trilyon sa kauna-unahang budget ng bansa sa panahon ng pandemya. Maraming praktikal at pang-ekonomiyang pondo ang nakasalalay dito. Kaya naman naging mahirap tanggapin ang plano ni noon ay Speaker Cayetano na isumite sa Senado ang budget makalipas ang Oktubre. Sa harap ng paulit-ulit na tapatan ng Senado at Kamara, hindi masisisi ang Mababang Kapulungan kung magkaproblema man sa budget sa ngayon.

Batay sa natsitsismis na kudeta na nakararating sa aking mga espiya sa Kamara, iginigiit ng mga nagpaplano nito ang kawalang kakayahan daw ni Velasco na makopo ang kinakailangang boto para sa mga kandidato ng administrasyon para kongresista sa eleksiyon sa Mayo 2022 na dahilan para tanggalin siya sa puwesto.

Para sa akin, halatang maipilit lang kung hindi man malabnaw ang dahilang ito para sa isang malawakang kudeta. Kaya naman para sa umano’y ikinakasang kudeta, dapat na tanggalin sa puwesto si Velasco sa kabiguang gawin ang isang bagay na hindi naman siya binigyan ng pagkakataong isagawa. Mukhang malabong suportahan ng mga miyembro ng Kamara ang ganitong sitwasyon.

Nobyembre 2020 pa lang, mga kababayan. May isang taon pa bago pupuwedeng pumorma ang sinumang may interes sa eleksiyon.

Magpapakitang-gilas si Velasco sa larangang ‘yan pagdating ng tamang panahon dahil wala rin naman siyang pagpipilian. Sa ngayon, hayaan muna nating gawin ni LAV ang kanyang trabaho.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *