IPINAG-UTOS kahapon, 23 Nobyembre, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sugpuin ang illegal logging at quarrying, na itinuturo ng mga awtoridad na dahilan ng matinding pagbaha kasunod ng magkakasunod na bagyo sa bansa.
Ipinahatid ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang pagsugpo sa pamamagitan ng muling pagpapasigla ng kanilang lokal na Anti-Illegal Logging Task Forces.
Ipinaalala ng kalihim, sa ilalim ng 2011 Memorandum ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kinakailangang tiyakin ng mga municipal at city mayor na walang illegal logging, quarrying, kaingin, at iba pang uri ng pagkasira ng kagubatan ang mangyayari sa kanilang mga nasasakupan.
Matapos mabatid ang kautusan, natuwa ang mga residente sa Bulacan kung saan namamayagpag ang illegal logging sa mga kabundukan gayondin ang quarrying sa mga maraming ilog sa lalawigan.
Ilang linggo ang nakararaan ay nahuli sa akto ng Bulacan police ang illegal loggers mula sa Nueva Ecija na ilegal na nagpuputol ng puno sa kabundukan ng Sierra Madre sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.
Wala rin tigil ang reklamo ng taong bayan sa walang habas na quarrying sa mga burol at ilog sa mga bayan ng Sta. Maria, Pandi, Norzagaray, lalo sa Angat na ang itinuturong nasa likod ay mga lokal na opisyal.
“Sana, hindi nila balewalain ang kautusang ito ng DILG dahil kung magpapatuloy ang pagsira ng kalikasan sa Bulacan ay baka humantong ito sa trahedya, na harinawang ‘wag naman sanang mangyari,” pahayag ng isang environmentalist sa bayan ng Angat. (MICKA BAUTISTA)