TIMBOG ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makompiskahan ng higit sa P.6 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang narestong suspek na si Ruel Sangines alyas Ginto, 38 anyos, residente ng Block 16, Lot 22, Phase 3, Dagat-Dagatan, Barangy 12.
Ayon kay Gen. Ylagan, dakong 12:30 am nang maaresto ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr., sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Giovanni Hycenth Caliao I ang suspek sa buy bust operation sa kanto ng Gen. Mascardo St., at EDSA.
Binentahan ng suspek ng isang medium size plastic sachet ng shabu ang isang undercover agent na nagpanggap na buyer kapalit ng P6,000 marked money kaya’t agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Narekober sa suspek ang aabot sa 100 gramo ng shabu na tinatayang nasa P680,000 ang halaga, marked money na binubuo ng isang P1,000 genuine bill at 5 piraso ng boodle money, isang caliber .9mm Black Widow revolver na kargado ng limang bala, mobile phone at isang motorsiklo na ginagamit umano sa paghatid ng drugs.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. (ROMMEL SALES)