SUNOD-SUNOD na nadakip ang limang wanted persons at apat na drug suspects sa magkakahiwalay na manhunt at buy bust operations na ikinasa ng Bulacan police hanggang kahapon, 22 Nobyembre.
Sa ulat kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, inaresto ang limang wanted persons sa magkakaibang manhunt operations na inilatag ng tracker teams ng Malolos CPS, Meycauayan CPS, at Bulacan First Provincial Mobile Force Company.
Inaresto ang mga suspek sa bisa ng mga warrant of arrest para sa mga kasong Qualified Theft, paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165, paglabag sa RA 6539 o Anti-Carnapping Law, PD 1612 o Anti-Fencing Law, at hindi pagdalo sa mga nakatakdang hearing sa korte.
Samantala, arestado rin ang apat na suspek sa pagbebenta ng ilegal na droga sa buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng municipal police stations ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Paombong, San Miguel, at Hagonoy.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang may kabuuang 11 plastic sachets ng hinihinalang shabu, sari-saring drug paraphernalia, at buy bust money.
Dinala ang mga nakompiskang piraso ng ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa kaukulang pagsusuri samantala ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa RA 9165.
(MICKA BAUTISTA)