PATAY ang dalawang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot sa magkahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng Bulacan PNP sa lalawigan hanggang kahapon ng umaga, 18 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang isa sa mga napatay na suspek na si Alnor Liwa, residente sa Barangay Gaya-gaya, sa lungsod ng San Jose del Monte.
Ikinasa ang buy bust operation laban kay Liwa, na kabilang sa PNP/PDEA watchlisted personality, sa bahagi ng Bijasa Road, sa naturang barangay, 2:15 am, kahapon.
Matapos ang napagkasunduang transaksiyon, tinangka ng mga awtoridad na arestohin si Liwa at ang isa niyang kasabwat ngunit pumalag at bumunot ang suspek ng baril na kalibre .38 pistol.
Dito nagkaroon ng maikling palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ni Alnor Liwa samantala ang kanyang kasabuwat ay nakatakas sakay ng motorsiklo.
Samantala, magkatuwang na ikinasa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit na pinamumunuan ni P/Maj. Jansky Andrew Jaafar at Bustos MPS sa pangunguna ni P/Maj. Jude Bryan Maguddayao, acting chief of police, ang buy bust operation laban sa isang alyas Onin sa Barangay Catacte, sa bayan ng Bustos, dakong 11:30 pm nitong Martes, 17 Nobyembre.
Nabatid, habang nagkakaroon ng transaksiyon ay nakatunog si alyas Onin na pulis ang kaniyang kausap kaya bumunot siya ng baril at pinaputukan ang undercover agent ngunit sumablay.
Dito na kumilos ang mga back-up police at nakipagpalitan ng putok sa suspek at sa isa pang kasama na nagresulta sa pagkasugat ni alyas Onin, habang nakatakas ang kasabwat niyang sakay ng Yamaha Mio motorcycle papunta sa direksiyon ng Barangay Bonga Menor.
Nagawang isugod sa pinakamalapit na pagamutan si alyas Onin ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician. (MICKA BAUTISTA)