NABAWASAN ang mga kawatang kumikilos sa Bulacan nang mapatay sa enkuwentro ang dalawang hinihinalang kawatan ng motorsiklo sa isang police operation sa bayan ng San Rafael, sa naturang lalawigan, nitong Martes ng madaling araw, 17 Nobyembre.
Sa ulat ni P/BGen. Alexander Tagum, direktor ng PNP Highway Patrol Group, sinabi niyang napaslang ang dalawang hindi kilalang suspek sakay ng isang ninakaw na Yamaha Mio motorcycle matapos makipagpalitan ng putok sa mga nagrespondeng pulis sa bahagi ng By-pass Road, Barangay San Roque, sa naturang bayan.
Binanggit sa ulat na nakatanggap ng voice alarm ang mga operatiba ng HPG mula sa San Rafael Municipal Police Station (MPS) tungkol sa carjacking ng isang Yamaha Mio dakong 3:00 am sa Barangay Sampaloc.
Agad naglunsad ang Provincial Highway Patrol Team ng Bulacan PNP ng anti-carnapping o dragnet operations sa mga rutang posibleng labasan o takasan ng mga suspek.
Nang kanilang maispatan, hinudyatan nila ang mga suspek na pahintuin ang motorsiklo na agad napansin na ang nawawalang sasakyan.
Ngunit imbes sumunod, bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang HPG personnel na tinamaan ang front bumper ng mobile patrol car.
Kasunod nito, pinaharurot ng mga suspek ang ninakaw na motorsiklo patungong Barangay San Roque hanggang magkapalitan ng putok ang magkabilang panig na nagresulta sa kamatayan ng dalawang suspek. (MICKA BAUTISTA)