EXTREMES ang nararamdaman ngayon ng mga kababayan nating Filipino sa Los Angeles, California.
‘Yan ay dahil sa ‘limitadong serbisyo’ ngayon ng Philippine Consulate General sa LA na pinamumunuan ni Consul General Adelio Angelito Cruz.
Maraming Filipino-American (FilAm), ang desmayado sa nasabing limitadong serbisyo lalo’t alam naman ng konsulado na maraming Pinoy ang nais umuwi ng Filipinas para rito magdiwang ng Christmas o holiday season.
Pero siyempre, ang usual na rason — mayroong umiiral na pandemya kaya limitado umano ang serbisyo.
Hindi ngayon natin malaman, ganoon din ang mga kababayan nating Filipino, kung ‘very careful’ ba ang konsulado sa kalagayan ng mga Pinoy o FilAm?
O ‘careless’ lang talaga sila sa ‘damdamin’ ng mga kababayan nating ‘burnout’ na sa nararanasang pandemya?
Ang siste kasi, noong 29 Setyembre 2020, nagpaskil ng ‘notice’ sa kanilang Facebook account ang Philippine Consulate General sa LA, na ang lahat ng appointment slots para sa Dual Citizenship at passport services ay puno na raw hanggang Disyembre 2020.
Ang mga dual citizenship applicants na nakapagsumite na ng aplikasyon at dokumento bago ipinaskil ang nasabing ‘notice’ ay ipoproseso umano at aabisohan sa pamamagitan ng email kung sila ay kalipikado o hindi.
At para sa mga appointment slots para sa Enero 2021 ay bubuksan umano sa 15 Disyembre 2020.
“Please check our website by then.” Paalala pa sa paskil ng konsulado.
Pero wait, ang tanong ng marami nating mga kababayan, dahil pa rin ba ito sa pandemya?!
Kung ito ay dahil pa rin sa pandemya, hindi natin makita ang lohika ng ganito katagal na pagkaantala o pagkabinbin ng aplikasyon para sa dual citizenship at passport services gayong may itinatakda namang health protocols.
Hindi ba’t ang lahat ng dumarating sa bansa mula sa ibayong dagat ay inoobligang magpa-swab test at mag-quarantine o mag-isolate ng 14 araw bago pauwiin sa kanyang pamilya?!
Kaya kung sa Maynila lalapag ang FilAm o ang balikbayang Filipino, sasailalim sa ganitong proseso at kapag na-clear na saka lang pauuwiin sa kanyang pamilya.
Kung may ganitong protocol, bakit kailangang binbinin ang aplikasyon sa Philippine Consulate General sa Los Angeles?!
Narito ang hinaing ng mga FilAm sa LA na nagkomentaryo sa FB account ng PCG LA, Ca…
Ms. GL: I made it appointment last aug 31 online for October 20 but I didn’t get confirmation email. I’ve been calling everyday to ask if that’s confirmed but I can’t get hold of anybody.
Mr. RY: I’m applying for dual citizenship, ur explanation ON A NUT SHELL is just prepare the documents and make an appointment, i dont have to mail anything?
Ksp Ksp: So when are you going to open up for passport services? Your appointment system is worthless. Are you all on vacation still? How about getting some work done, we are tired of waiting!
Ms. MAR: I need to renew my passport asap. It expires this coming December. I need to go home asap. Please open up your passport services!
Ms. CPW: Please clarify if DUAL CITIZENS with US PASSPORT are allowed to fly back home currently, in August 2020. Just give us a CLEAR answer, this causes a lot of anxiety to Pinoys who need to fly back home, esp via LAX! Please VERIFY THIS!
Ms. GCC: Pls let us renew passports by mail in this time of covid, limit the # years of validity, less than 10 yrs , if you want , you make revenue from fees and we get to visit Phils , revenue for Phil airlines, Phil businesses… WIN for all!
‘Yang mga komentaryong ‘yan ay kagaya rin po ng iba. Ibig sabihin, mas marami ang may sentimyento sa ‘ilohikal’ na pagbibinbin sa appointment slots para sa aplikasyon ng dual citizenship at passport services.
Consul General Adelio Angelito Cruz, sir, hindi po talaga maintindihan ang lohika ng abiso ng inyong tanggapan. Hindi po namin makita ang katuwiran. Puwede po bang paki-review ninyo?!
Hindi biro ang ginagastos sa inyo ng Filipino taxpayers. Hindi barya ang ipinapasuweldo sa inyo ng sambayanan. Ang magastos at maluhong pamumuhay ninyo sa Amerika ay sagot ng mga mamamayang Filipino.
Simple lang po ang inaasahan sa inyo, huwag pahirapan ang mga kababagyan, sa halip ay asistehan o tulungan sa ganitong panahon.
In short, huwag ninyong pabagalin o ibinbin ang kanilang aplikasyon dahil ngayon lang naman ang panahon ng kanilang holiday — ang Christmas season.
Gusto nilang makapiling ang kanilang pamilya para gunitain ang pagsilang ng Dakilang Manlilikha.
Lalo ngayong panahon ng pandemya na baka nga ang iba ay namatayan ng mga minamahal sa buhay at ngayon lang ang kanilang pagkakataon para sila ay masilayan.
Ramdam po ba ninyo ‘yun, Consul General Cruz?
Sana naman…
Sa Infra projects
sa congressional districts
‘HORROR ROLL’
SA ALOKASYON
NG 2021 NATIONAL
BUDGET SAPOL
MULI na namang ipinamalas ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang talas ng kanyang ‘pang-amoy’ lalo na kung budget ang pag-uusapan.
Tahasang pinuna ni Senator Ping ang “disparity” o unfair na hatian ng alokasyon sa infrastructure budget ng mga kongresista na tinukoy niyang bilyon-bilyong piso ang inilaan sa isang distrito sa Davao, sa Benguet, Albay, at Abra habang sa ibang distrito ay ilang milyon lamang.
“This is just to point out the disparity in the distribution of the budget. ‘Yun ang honor roll. Horror roll… I just want to point that out, bakit ganoon ang disparity? What’s in those districts that would merit those appropriations?”
Sa paghimay ng Senado sa proposed P4.5 trilyong national budget, sinabi ni Lacson na kitang-kita ang malaking diperensiya sa laki ng budget sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.
Inihalimbawa ni Lacson ang isang Distrito sa Davao may budget sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon, sa Albay ay P7.5 bilyon, sa Benguet ay P7.9 bilyon habang sa Abra ay P3.75 bilyon.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito ngunit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte; sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda; sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Habang naglalakihan ang ilang distrito, may kongresista naman na nakatanggap ng P42 milyon.
Sa laki ng budget na natangap ng mga kongresista na sinabi ni Lacson na nasa ‘horror roll’ aminado ang senador na duda siya kung maipatutupad ang mga bilyong halagang infrastructure projects.
“The absorptive capacity, kasi kung sa isang district ‘yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district could implement P15.351 billion of infrastructure projects,” ani Lacson.
Maging si Senate President Tito Sotto ay naalarma rin sa puna ni Lacson sa paghahati hati ng alokasyon sa 2021 budget.
“Usually kasi sa pinagdaanan kong budgets, ‘yung mga district, ‘di masyadong nagkakalayo ang amounts ng funding nila, especially sa DPWH. Bago sa akin ito na mayroong ilang district na saksakan nang lalaki ang amount,” pahayag ni Sotto.
Sa House Speakership row kamakailan, ginawang isyu laban kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque representative at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay-pantay na infrastructure allocation sa budget. Inakusahan ng nasabing ‘alyansa’ si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.
Pero sa pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamara ang 2021 budget.
Bakit?!