NANANATILING lubog sa baha ang ilang mga bayan sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 15 Nobyembre, tatlong araw matapos ang paghagupit ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan na malapit sa Angat River ay dahil sa bagyong Ulysses at sa pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam.
Sa ulat ng Paombbong MDRRMO, umabot sa 40 hanggang 50 pulgada, o mahigit tatlo hanggang apat na talampakan ang baha sa ilang lugar, partikular sa mga barangay ng Sto. Rosario at San Isidro Dos.
Baha pa rin sa ibang parte ng mga barangay ng Kapitangan, Pinalagdan, San Vicente, at San Isidro Uno, na ang ilang bahagi ay abot-tuhod ang baha.
Ayon sa ilang residente, ito ang unang pagkakataon na hindi humuhupa ang baha sa kanilang lugar kahit ilang araw na ang nakalipas katunayan pumasok pa sa loob ng kanilang bahay ang tubig.
Ayon sa Paombong MDRRMO, dahil high tide ngayon ay inaasahang tataas talaga ang tubig kaya nanawagan ng tulong ang mga apektadong residente lalo at wala pang koryente sa barangay.
Bukod sa Paombong, baha rin sa ilang bahagi ng mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Obando, Balagtas, Marilao, Bulakan at lungsod ng Meycauayan. (MICKA BAUTISTA)