PLANONG sampahan ng kaso ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang pamunuan ng Angat Dam sa lalawigan ng Bulacan dahil aniya sa kapabayaan nang hindi sila abisohan na magpapakawala ng tubig noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Teodoro, ang 18 metrong taas ng tubig mula sa bagyong Ulysses ang kanilang pinaghandaan ngunit hindi umano nila inasahang magpapakawala din ng tubig ang Angat Dam na nagpaakyat sa tubig ng ilog ng 22 metro, mas mataas sa 21.5 metro na idinulot ng bagyong Ondoy noong 2009.
Dahil dito, sinabi ng galit na si Teodoro na kakasuhan nila ang pamunuan ng dam dahil sa kapabayaan.
“We have declared the whole city under state of calamity dahil lang sa kapabayaan na ‘yan,” aniya.
Dagdag ni Teodoro, aabot sa P10 bilyon ang pinsala sa pampublikong impraestruktura ng kanilang lungsod at P30 bilyon sa negosyo.
Samantala, sinabi ng National Power Corporation (NAPOCOR) na bahagi ng protocol na apat na oras bago ang pagpapakawala ng tubig sa dam ay dapat abisohan ang mga apektadong lokal na pamahalaan.
Idinagdag ng NAPOCOR na hindi kasama sa inabisohan ang Marikina City government dahil hindi kasama ang lungsod sa mga lugar na nasa listahan ng mga lugar na pupuntahan ng tubig ng Angat.
Ngunit giit ni Teodoro, ang mga tubig na pinapakawalan sa Angat Dam ay nakakonekta pa rin sa mga daluyan ng Marikina River at dahil sa nangyaring pagbaha sa Marikina, maraming bahay ang nalubog sa tubig at naging pahirapan ang paglikas sa mga tao.
(MICKA BAUTISTA)