PUNO ng pag-asa at pasasalamat ang nararamdaman ng karamihan sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan dahil sa ipinahayag ng pamahalaan ng Saudi Arabia na sa Marso 2021, mas papaluwagin na ang kanilang kasalukuyang “kafala system” o “sponsorship system.”
Sa ilalim ng sistemang kafala, hindi basta makaaalis o makalilipat ang mga empleyado nang walang pahintulot ng kanilang mga amo. Dahil sa bagong “labor relations initiative” sa Saudi Arabia mas magkakaroon ng kalayaan o job mobility ang mga migranteng manggagawa hindi lamang ang mga Filipino.
Tinatayang 865,121 Filipino ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Pinaniniwalaang ang sistemang “kafala” ang ugat ng maraming kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa marami nating kababayan lalo sa “domestic helpers.”
Naging malaking hamon para sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problemang kinakaharap ng overseas Filipino workers (OFWs), lalo na’t marami sa mga sumuporta sa kanya noong eleksiyon ay mula sa kanilang hanay.
Bilang mga Filipino, dapat malaman natin kung ano ang mga hakbang na ginawa ng bansang Filipinas upang maisulong ang reporma sa “kafala” at mapagaan ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Kailan ba talagang nagsimula ang maigting na kampanya ng Filipinas laban sa hindi patas at ‘di makatarungang “Kafala system?”
Buong tapang na ipinahayag ni Pangulong Duterte noong 2018 na ang mga Filipino ay hindi maaaring ituring na alipin ng kahit sino saan mang bahagi ng mundo. Sinabi niya ito, ilang araw pagkatapos matuklasan ang bangkay ng OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis na nakaranas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang mga amo.
Naging dahilan din ito ng panandaliang pagpapahinto ng pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait at paglulunsad ng malawakang repatriation ng mga gustong umuwi ng Filipinas.
Sa panahong ito, si Cong. Alan Peter Cayetano ang nakatalagang pinuno ng Department of Foreign Affairs. Hindi maikakaila ang markang iniwan niya sa DFA na ngayon ay nagkakaroon ng magandang bunga.
Tumindig ang gobyerno ng Filipinas para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kawawang Filipina sa kamay ng kanyang mapagsamantala at malupit na mga amo at sinimulan ang matinding kampanya para sa mas maayos at patas na pagtrato sa mga migranteng mangggawa.
Noong panahong iyon ay kasagsagan din ng negosasyon ng bansang Filipinas para mabuo ang Global Compact of Migration, na kauna-unahang United Nations Global Agreement na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan at karapatan ng mga migrante sa buong mundo.
Malinaw ang direktiba ni Pangulong Duterte noong umupo si dating DFA secretary Alan Peter Cayetano, huwag pabayaan ang mga OFW na nasa gitna ng panganib at itaguyod ang kanilang karapatan at kaligtasan sa ibang bansa.
Naging kontrobersiyal ang mga kumalat na video na nagpapakita ng “rescue operations” ng mga opisyal ng embahada ng Filipinas sa Kuwait.
Sa kanilang pagliligtas sa mga kasambahay na inaabuso, hindi ikinatuwa ng gobyerno ng Kuwait ang ganitong mga gawain dahil tila paglabag sa kanilang soberanya.
Noong kasagsagan ng isyu tungkol sa pagkamatay ni Demafelis at paglabas ng kontrobersiyal na video ng rescue operasyon, hindi natinag ang pinuno noon ng DFA at ngayo’y kongresista na si Alan Peter Cayetano.
Maraming bumatikos sa kagawaran at mga opisyal ng embahada noong panahong iyon ngunit mas nanaig sa kanila ang pagnanais na maisalba ang mga naaapi at nanganganib na OFWs.
Kilala si Cayetano sa kanyang paninindigan at pakikipaglaban sa mga naaapi. Madalas niyang sinasabi na “kapag may mali at may inaapi, labanan at kapag tama, dapat ipaglaban”
Hindi naman binigo ni Cayetano si Tatay Digong dahil pagkatapos ng tatlong buwan, nang maiuwi ang bangkay ni Demafelis sa Filipinas ay napirmahan ang bagong “Agreement on the Employment of Domestic Workers” sa pagitan ng Kuwait at Filipinas.
Para sa DFA, itinuturing nilang matamis na tagumpay para sa Filipinas na malamang sunod-sunod ang pagluluwag ng “kafala system” sa maraming bansa sa Gitnang Silangan, ang pinakahuli nga ay Saudi Arabia.
Sa liderato ni Cayetano, nagsimula ang pagsusulong ng DFA ng mahahalagang probisyon laban sa “kafala system” sa isang international agreement na tinawag na Global Compact for Migration (GCM).
Para kay Cayetano, ang laban sa pang-aabuso at pananamantala sa mga OFW ay hindi maaaring masolusyonan ng Filipinas bilang isang bansa lamang kaya’t kailangan magkaroon ng katuwang na ibang bansa upang mas maging pangmatagalan ang solusyon.
Sa 73rd United Nations Assembly sa New York noong 2018, sinabi ni Cayetano, ang diskusyon tungkol sa isyu ng migration ay dapat maging “open, frank and thorough” para makapaglatag ng mas komprehensibong inter-governmental negotiated compact na magtitiyak sa proteksiyon ng mga migranteng manggagawa laban sa eksploytasyon at pang-aabuso.
Hindi biro ang ginawang kampanya ng Filipinas upang mahimok ang ibang bansa na sumuporta sa mga probisyong tutugon sa problema ng “kafala.” Dahil sa tiyaga at pursigidong trabaho, noong Disyembre 2018, inaprobahan ng 152 bansa ang Global Compact of Migration (GCM) kabilang ang mga bansa sa Gitnang Silangan. Limang bansa lamang ang hindi lumagda sa sinabing international agreement kabilang ang United States of America, Hungary, Poland, Czech Republic, at Israel. Labing-dalawang bansa ang nag-abstain sa botohan kabilang ang Australia, Austria, Bulgaria, Chile, Italy, Latvia, Libya, Liechtensei, Romania, Singapore, at Switzerland.
Pinaniniwalaang ang kasalukuyang pinuno ng DFA na si Teddy Boy Locsin ay ipagpapatuloy ang laban para sa mas ligtas at mas komportableng buhay ng mga OFW.
Tuloy lang ang laban sa “kafala” o anomang sistemang nakapagpapahirap sa mga nagtatrabahong Filipino sa ibang bansa. Bawat reporma ay makapagbibigay ng bagong pag-asa sa ating mga mahal na OFW.