BINAWIAN ng buhay ang lider at isang miyembro ng gun-for-hire group nang makipagbarilan sa mga awtoridad sa Barangay Bagong Barrio, sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng gabi, 4 Nobyembre.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ni P/Maj. Leandro Gutierrez, hepe ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kinilala ang mga napatay na suspek na sina Wilfredo Togonon alyas Willy, na itinuturong lider ng gun for hire group; at Michael Pegaro alyas Bungo, na sangkot sa mga serye ng robbery hold-up at gun for hire.
Magkatuwang ang mga kagawad ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Bulacan Provincial field Unit (PFU), mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), at Pandi Municipal Police Station (MPS) na nagkasa ng operasyon laban sa dalawang suspek na may kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, dakong 9:30 pm kamakalawa.
Sa gitna ng transaksiyon, nakatunog ang mga suspek na ang kausap nila ay mga operatiba ng pulisya kaya mabilis na pumasok sa loob ng kanilang bahay kasunod ang pagpapaputok ng baril sa mga pulis.
Ilang minutong nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa huli ay patay na bumulagta ang dalawang suspek.
Sa pagproseso ng Bulacan SOCO Team sa pinangyarihan ng krimen, narekober ang mga baril at bala, gayondin ang P500 marked money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan Crime Laboratory Office ang mga narekober na piraso ng ebidensiya habang dinala ang mga labi ng dalawang suspek sa Superior Funeral Homes, Bintog, sa bayan ng Plaridel, para sa autopsy examination.
Bahagi ang operasyon ng pinaigting na Oplan Paglalansag Omega (Campaign Against Private Armed Groups and Loose Firearms), Salikop (Campaign Against Organized Crime Groups (OCGs) at Crime Gangs ng Bulacan police. (MICKA BAUTISTA)