Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Calamity funds ng LGUs ubos na?

DALAWANG magkasunod na bagyo — Quinta at Rolly   — ang nanalanta sa mga probinsiya sa southern Luzon partikular sa Batangas, Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines, Catanduanes, at Albay, nitong huling linggo ng Oktubre at pagpasok ng Nobyembre.

 

At gaya ng inaasahan maraming local government units (LGUs) ang dumaraing dahil nagamit na nila ang kanilang calamity funds sa pananalasa ng pandemyang coronavirus (CoVid-19).

 

At malamang na wala rin maaasahang tulong mula sa mga foreign organizations at kahit mula sa mga charity funds ng iba’t ibang simbahan dahil apektado nga ang buong mundo ng CoVid-19.

 

Huwag din natin kalimutan na bago manalasa ang coronavirus maraming negosyante sa hanay ng poultry & livestock industry ang ‘pinadapa’ ng African Swine Flu (ASF).

 

At kasunod niyan ay nagngalit ang bulkang taal hanggang manalasa ang coronavirus sa buong mundo na nagsimula sa Wuhan, China.

 

Kaya hindi na nakapagtataka na talagang zero o limitadong-limitadong ang mga nagpapadala ng tulong ngayong panahon ng pagbagyo.

 

        Pinag-uusapan natin ito ngayon, sa panahon na maraming kababayan natin ang naghihintay ng first and second tranche ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) na hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan kung bakit hindi umabot sa maraming mga kababayan natin na higit na nangangailangan.

        Hindi natin alam kung paano ito tino-troubleshoot ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases o ng Department of the Interior and Local Government (DILG), gayong hindi matapos-tapos ang pagdaing ng ating mga kababayan.

 

        Pinag-apply sila sa ilalim ng Bayanihan 1 para sa SAP, ininterbyu, pinangakuan at pinaasa na ite-text kung kailan nila matatanggap ang ayuda noong buwan ng Abril at Mayo — pero hanggang ngayon, Nobyembre na at mayroon nang Bayanihan 2 —- pero ang ayudang first tranche wala pa rin.

 

Anyare IATF & DILG? Saan napunta ang daan-daang bilyones na inaprobahan sa ilalim ng Bayanihan 1?

 

Napunta ba lahat sa PPE, face masks, rapid at swab tests na may bayad at dinukot pa sa ‘lukbutan’ ng  mahihirap nating mga kababayan?

 

Ngayon heto, pagkatapos manalanta ng dalawang bagyo, habang hinihintay ang susunod na si Siony, ‘kumakanta’ sa bagong tono ang Department of Budget and Management (DBM). 

 

Heto ang kanta ‘este ang sabi: “The government still has P3.62 billion, which could be tapped by local government units (LGU) to replenish their calamity funds that may have been exhausted by the recent string of typhoons.”

 

Ayon daw sa DBM, ito ang current amount ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) mula sa karagdagang budget ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

 

At ang mga pondong ito umano ay ipinamahagi na sa mga sumusunod na government agencies: Department of Agriculture (P1.5 billion); Department of Education (P2.1 billion); Department of Health (P600 million); Department of Public Works and Highways (P1 billion); Department of Social Welfare and Development (P1.25 billion) at sa National Electrification Administration (P100 million).

 

        Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, ang mga LGU ay makakukuha ng karagdagang budget para sa pagtugon nila sa kalamidad sa pamamagitan ng mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan.

 

        Ang paliwanag ni Spox Roque sa online news briefing nitong Martes: “The replenishment will not come directly from DBM. It could be requested from the line agencies which have quick response funds.”

 

        Tandaan: Ibig sabihin niyan ay hindi awtomatikong la-landing ang calamity fund mula sa mga ahensiyang  ‘yan kahit hindi na makabangon ang LGU/s na apektado ng kalamidad.

 

Ayon naman kay Budget Secretary Wendel Avisado, kailangang sabihin sa kanila ng mga nasabing ahensiya ng gobyerno kung sila ay magbibigay ng pondo sa mga apektado o nangangailangang LGU/s.

 

O ‘di ba, may dagdag na proseso pa.

 

Gaya halimbawa ng pananalanta ng Quinta at Rolly. Kahit alam na ng buong bansa ang grabeng pinsala na inabot ng mga lalawigan o bayan na sinalanta ng bagyo — kailangan pa rin magpaalam ng mga nasabing ahensiya sa DBM.

 

Hindi ba puwedeng, later na lang dahil mag-uulat naman ang mga nasabing ahensiya sa Commission on Audit (COA) at sa DBM kung paano nila ginastos ang pondo?!

 

Ang punto lang natin dito, para hindi mahuli ang tulong sa mga nangangailangan na hindi na alam kung saang kamay pa sila ng Diyos at mga diyos-diyosan lalapit.

 

May kasabihan nga ‘di ba — aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.

 

        Hanggang nitong Lunes raw ay naghihintay ang DBM ng notification na ipadadala sa kanila ng mga ahensiya kahit alam nilang nanalasa ang mga bagyong Quinta at Rolly sa maraming lalawigan at lungsod  sa bansa.

 

Kapag nasaid na raw ang pondo ng NDRRMF, hihintayin ng LGU/s ang pag-aproba at pagpasa ng 2021 national budget para sa bagong pondong pangkalamidad.

 

        Ayon kay Avisado, ang natitirang P16-bilyong pondo ng NDRRMF, ay malapit nang maubos dahil sa pananalasa ng coronavirus disease (CoVid-19).

 

        Dalawang bagay na hindi dapat kalimutan dahil sa pandemya: una, nalaman ng sambayanan kung magkano ang eksaktong pondo ng NDRRMF na inilalaan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para ipantulong umano sa LGU/s na masasalanta; ikalawa, ngayon lang din nalaman ng sambayanan na paubos na pala ang mga pondong ito.

 

        Hindi ako kalbo, natawa ba kayo?

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *