NAKOMPISKA ng mga operatiba ang 22 malalaking plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P2,000,000 sa ikinasang ‘sorpresang pagbisita’ sa Guiguinto Municipal Jail, sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 1 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay PRO3 Regional Director P/BGen. Valeriano De Leon, nakompiska ng magkasanib na puwersa ng Guiguinto Municipal Police Station (MPS), Bulacan Intelligence Branch, at Bulakan Municipal Police Station (MPS) ang 22 malalaking plastic sachet ng shabu sa pag-iingat ng mga detainee ng Guiguinto Municipal Jail na kinilalang sina Julius Francisco, alyas Mayor; John Reynald Palileo, alyas JR; at Khalman Llamosa, alyas Jokjok.
Ayon kay P/BGen. De Leon, ikinasa ang raid matapos makatanggap ang mga awtoridad ng ‘tip’ sa isa pang detainee na kinilala lamang sa alyas na Boy Hilot na may nagaganap na kalakalan ng ilegal na droga sa naturang piitan.
Kaugnay nito, nadagdagan ang kinahaharap na kaso ng tatlong detainees at napatungan pa ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)