PATULOY na tinutugis ng mga awtoridad ang 13 detainees na pumuga sa Caloocan custodial facility sa tabi ng City Hall kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan City police chief Col. Dario Menor, 15 detainees ang nakatakas mula sa facility ng mga detainees na CoVid-19 positive o isinailalim sa coronavirus testing ngunit nahuli ang dalawa na nagsabing matagal nang pinaplano ang pagtakas.
Ang iba sa detainees ay namalagi ng 21 araw sa facility o lagpas sa 14 araw incubation period ng virus.
Kinilala ang mga suspek na sina Martin Mama, Gerrymar Petilla, Hudson Jeng, Aldwin Jhoe Espila, Reymark Delos Reyes, Norbert Alvarez, Mark Oliver Gamutia, Jovel Toledo, Jr., Arnel Buccat, Raymond Balasa, Reynaldo Bantiling, Dunacao Aries, at Tejeros Justine.
Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms, at illegal drugs ang mga nakapuga habang ang iba ay minor offense tulad ng paglabag sa curfew.
Nagsimula umano noong Lunes ng gabi ang dahan-dahang pagsira sa likurang pader ng kulungan habang sinasabayang mag-ingay ng mga preso.
Mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang dalawang pulis na naka-estasyon sa facility nang pumuga ang mga detainees, ayon sa pulisya.
“Mayroon silang evasion through negligence. Ipa-file namin ‘yun… they will be charge of criminal offenses. After namin mai-file, ‘yun ang isusunod namin ‘yung administrative charges,” ani Col. Menor
Anang hepe, nahuling muli ng pulisya ang isa sa mga nakatakas na kinilalang si Aries Dunacao, 28 anyos, makaraang makausap ang ina nito at itinuro kung nasaan siya.
Inaasahan ng pulisya na maaaresto ang dalawa pa sa loob ng ilang araw dahil mayroon nang impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa kanilang lokasyon.
“Sa 13 nakatakas, dalawa rito ‘yung nagpositibo sa rapid test at sila ‘yung mga na-isolate na natin, karamihan kasi rito ‘yung mga di-accept ng BJMP, may ubo na nagma-manifest na baka nga mahina ‘yung kanilang health condition,” ani Menor.
Hinimok ni Menor ang publiko na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad na maaaring humantong sa muling pagkakahuli ng mga akusado.
(ROMMEL SALES)