BILANG bagong Speaker, naipasa ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ang unang hamon sa kanyang liderato – ang pakilusin ang Kamara upang aprobahan nitong Biyernes ang P4.506-trilyon pambansang budget para sa 2021.
Ngayon, kailangan naman niyang maisumite sa Senado ang 2021 General Appropriations Bill o GAB – nang kompleto ang lahat ng pagbabagong isinumite ng mga ahensiya habang walang anumang inilusot, na naging sanhi ng problema sa budget para 2019 – bago matapos ang buwang ito.
Maaari itong gawin sa 28 Oktubre, ang petsang ipinangako niya kay Senate President Vicente Sotto III – mas maaga nang isang linggo sa petsang (Nobyembre 4) itinakda noon ng kanyang hinalinhan, nang hindi kinukunsinti ang anumang delay mula sa mga kapwa niya mambabatas.
Kung desidido talaga si Velasco na patunayang karapat-dapat siya sa posisyong matagal at malakasan niyang ipinaglaban hanggang sa tuluyan itong mabitiwan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, kailangang gawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maiwasang magkaroon ng reenacted budget ang bansa.
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng budget sa susunod na taon. Napakaimportante ng paggastos na alinsunod sa batas para makabangon ang bansa sa kawing-kawing na problemang idinulot ng coronavirus pandemic. Bukod sa pagtugon sa pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at mga programang tutulong sa mahihirap at mga walang trabaho, kalakip ng budget sa susunod na taon ang stimulus fund na layuning pasiglahing muli ang nasadlak nating ekonomiya.
Buong pagpapakumbabang pinapayohan ng kolum na ito ang “Lord of the House” na bantayang mabuti ang posibleng insertions ng kanyang mga kasamahan, na magbubunsod upang ang napakaimportanteng GAB na ito ay magamit sa kababawang pamomolitika ilang buwan bago ang pambansang halalan sa 2022.
Pakaiwasang maulit ang parehong mga pangyayari na naging daan upang mapilitang magkaroon ng reenacted budget para sa 2019 – ito ay iyong mga post-bicameral committee insertions na tinuligsa ng Senado at na-veto ng Pangulo. Naaalala n’yo pa ba ang may pakana ng mga insertions na iyon – si dating congressman Rolando Andaya? Doble-ingat sa mga umaali-aligid sa iyo, Mr. Speaker.
***
Sa kabuuan, naging paborable ang impresyon sa Mababang Kapulungan dahil naipakita nitong umiiral pa rin ang palabra de honor sa nakararami sa Kamara. Mas naging nakabibilib pa ito nang nagkakaisa nilang inaprobahan ang 2021 GAB sa huling pagbasa, sa botong 257-6, para sa pabor at kontra.
Nang aking alamin, natukoy ko na ang anim na bumoto laban sa napakahalagang budget sa kasaysayan ng bansa — dahil pangunahing tutugunan nito ang kritikal na panahon ng sama-samang pagbangon ng publiko laban sa pandemya — ay ang mga kasapi ng Makabayan bloc.
Ang anim na kinatawan ng party-list, na madalas na iniuugnay ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy sa terorismo, ay mistulang halatado na. Sa ginawa nilang ito ay maaaring sabihin ni Badoy na ibinisto ng mga progresibong party-list ang kanilang sarili.
Dapat silang mag-ingat. Ayon sa aking mga espiya sa Kamara, naghahanda raw ng resolusyon ang bagong upong si Duterte Youth Party-list Rep. Rochelle Cardema upang paimbestigahan ang Makabayan Bloc sa House Ethics Committee dahil sa kaugnayan daw ng mga grupong ito sa Communist Party of the Philippines (CPP), na may sariling sistema sa paghimok sa mga estudyante sa senior high school para sumapi sa rebolusyon.
Nitong Huwebes, ang mga magulang ng mga nawawalang menor de edad na ito ay nakipagkita kay dating minority leader, Manila Rep. Benny Abante – na kamakailan lang ay sumapi sa Velasco supermajority – upang humiling ng executive session sa Speaker para mailantad ang kaugnayan umano ng anim na miyembro ng Makabayan bloc sa CPP, ayon sa aking espiya.
Posibleng magdulot ito ng bagong hamon sa bagong Speaker. Magpakatatag ka, aking Lord.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.