MAGBIBIGAY ng P300,000 pabuya kada ulo ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela at pulisya sa mga makapagtuturo sa dalawang natukoy na suspek sa pagpatay sa rider na si Niño Luigi Hernando noong 9 Oktubre.
Ayon kay Valenzuela Police chief Col. Fernando Ortega, ipinag-utos niya sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa mga suspek na kinilalang sina Rico Reyes, alyas Moja, at Narciso Santiago, alyas Tukmol, na nahaharap sa kasong murder, robbery at carnapping.
Nabatid na noong 9 Oktubre, sinundan ng mga suspek mula sa pagwi-withdraw para sa payroll sa isang banko ang biktima na nagtatrabahong mensahero at kolektor.
Pagdating sa Barangay Paso de Blas, Valenzuela City ay naglabas ng baril ang nakaangkas at mula sa likuran ay binaril nito sa ulo si Hernando na sakay din ng kanyang motorsiklo.
Nang bumagsak ang biktima, bumaba ang mga suspek at kinuha ang bag ni Hernando na naglalaman ng pera saka tinangay maging ang kanyang motorsiklo.
Anang pulisya, maaaring makipag-ugnayan sa mga numerong 09173082274 / 09178203775 para magbigay ng impormasyon tungkol sa lokasyon nina Reyes at Santiago.
Nagpaabot si Mayor Rex Gatchalian ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktima at sinigurong matututukan ng pulisya ang kaso.
(ROMMEL SALES)