HABANG maigting ang pagnanasa ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang problema sa droga ng bansa, hindi naman natin maintindihan kung bakit nagkakamali pa sa pagpapasa ng maling impormasyon ang Dangerous Drug Board (DDB) gayong hindi naman sila ang nasasalang kapag may mga sablay.
‘Yung sinabi ni Pangulong Duterte na 167 milyong drug user, ang totoo raw doon sabi ng DDB ay 1.67 milyon.
E mantakin naman ninyo 108 milyon lang ang populasyon ng Filipinas tapos ang drug user naging 167 milyon pa?!
Mantakin ninyo ‘yun. Mag-aabono pa ‘yung mga Statisticians.
“Typo lang po ‘yun (It was just a typo). It should be 1.67 million,” ani Spokesperson Harry Roque sa kanyang virtual address.
Ang basehan daw nito ang 2019 national household survey on the patterns of drug abuse.
Ayon sa ulat ng DDB: “At the time, however, the 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines showed that there were 1.8 million current drug users aged 18 to 69, while 4.8 million Filipinos have used illegal drugs at least once in their lives. The survey, which is done every 3 years, did not identify these individuals as “drug addicts.”
O ‘yun naman pala. Mayroon naman palang datos ang DDB. E ano palang ginagawa nila?
Hindi ba’t ang DDB ang nakatoka para isulong ang kampanya laban sa droga sa pamamagitan ng social awareness?
Kaya kung mayroon tayong 1.67 milyong drug users plus ‘yung 4.8 milyong tumikim ng droga nang isang beses lang sa kanilang buhay, ano ang gagawin ng DDB?
Paano kaya sila gumawa ng programa para ‘mabawi’ sa pagkalulong ‘yung 1.67 milyong drug users at 4.8 na tumikim lang? Hindi ba nagtangka ang DDB na sagipin ang mga kababayan natin?
Kung hindi tayo nagkakamali, bilang policy maker may tungkulin ang DDB na magpakalat ng impormasyon kung ano ang masamang idinudulot ng droga sa katawan at kaisipan ng tao.
Sa pamamagitan ng information campaign na ‘yan matatakot ang mga nagbabalak na muling ‘tumikim’ ng ilegal na droga.
Kung hindi tayo nagkakamali ang DDB ang policy -making body kaya nasa kanila ang lahat ng kapangyarihan upang isulong ang isang kampanyang todong magmumulat sa mga mamamayan kung paano iiwasan ang droga.
Alam ba ninyong, kung walang pandemic ay malamang na nasa biyahe kung saan-saang bansa ang mga director ng DDB?
Yes po! Sa iba’t ibang bansa pa sila nagta-travel para sa iba’t ibang uri ng training daw.
Pero pagdating sa ating bansa imbes ipasa ang kaalaman at impormasyon tetenggahin na lang ng DDB. Tapos mali-mali pa ang datos na ibinibigay?!
Sabi nga: “Statisticians and experts have repeatedly emphasized the importance of ensuring data is accurate, as these may affect the crafting and outcome of government policies and strategies.”
‘Yun po ang ibig sabihin kung bakit kailangan ikorek ang data.
Paging DDB!
Hindi lang po kayo tagabilang, policy maker po kayo at may malalaking maitutulong sa kampanya vs droga!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap