NAILIGTAS ng mga awtoridad ang pitong kabataan mula sa isang prostitution den kasunod ng pag-aresto sa tatlong maintainers nito sa bayan ng San Ildefonso, sa lalawigan ng Bulacan, noong Huwebes ng gabi, 15 Oktubre.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Provincial Police Office, pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ang isang entrapment operation katuwang ang Bulacan PPO WCPD, San Ildefonso MPS, at Regional DSWD na ikinasa sa TRS KTV na matatagpuan sa Cagayan Valley Road, Barangay Sapang Putol, sa naturang bayan.
Nagresulta ito sa pagkakasagip sa pitong menor de edad, anim sa kanila ay babae na ibinubugaw sa mga kostumer, habang ang kasama nilang 16-anyos na lalaki ay nagsisilbing kahero ng prostitution den.
Kinilala ang nadakip na tatlong maintainers ng sex den na sina Enrique Salonga, alyas Iking, operator ng naturang KTV bar; Bienvenido Del Rosario at Clariza Flores, kapwa mga bugaw.
Ikinasa ng Bulacan PIU at WCPD ang rescue operation matapos makatanggap ng impormasyon na ang naturang KTV bar ay ginagamit bilang prostitution den.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9208 na inamyendahan ng RA 10364 isasampa laban sa mga suspek samantala ang mga nasagip na mga menor-de-edad ay inilagak muna sa pangangalaga ng DSWD. (MICKA BAUTISTA)