MATAPOS ang 10-buwan pagtatago, naaresto na ng pulisya ang isang sinabing ‘rapist’ na tinagurian bilang top 6 most wanted person sa Northern Police District (NPD) makaraang bumalik sa kanyang bahay sa Quezon City.
Pinuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Debold Sinas ang mga operatiba ng Intelligence Operation Section (IOS) at NPD District Intelligence Division (DID) sa matagumpay na pagkakaarestro kay Enrico Panlilio, 45, construction worker matapos bumalik sa kanyang bahay sa Block 5, Lot 11, Pook Pag-asa, Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay NPD Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, unang nagsagawa ang mga tauhan ng DID at IOS ng discreet monitoring at surveillance operation malapit sa bahay ni Panlilio matapos ang natanggap nilang tip mula sa kanilang impormante na madalas bumisita ang akusado sa kanyang pamilya.
Dakong 5:00 pm, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng IOS at NPD-DID sa Quezon City Police District (QCPD) saka isinilbi ang warrant of arrest na inisyu ni Caloocan Regional Trial (RTC) Family Court Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130 noong 31 Enero 2020 laban kay Panlilio para sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa.
“I commend the successful manhunt operation that led to the arrest of Northern Police District’s top 6 most wanted person. The efforts of our men in this venture indicates our sincerity to make all law offenders face the charges filed against them in court,” ani MGen. Sinas. (ROMMEL SALES)