TILA nakalimutan ng mga turista sa isang resort sa bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), sa lalawigan ng Bulacan na ang bansa ay namumuhay ngayon sa ilalim ng ‘new normal’ dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease o CoVid-19.
Sa Facebook post ni netizen Dilen Desu, makikita na daan-daang turista sa Caribbean Waves Resort sa DRT ang naliligo sa swimming pool.
Makikita sa post na hindi sumusunod ang mga tao sa social distancing measures at wala rin makikitang nakasuot ng face mask.
Ayon sa netizen, marami pa nga ang hindi nakapasok sa nasabing resort at naghintay na lamang sa labas.
Nagbiro pa si Dilen na tila nagbalik na sa normal ang kalagayan ng bansa ngayon matapos niyang masaksihan ang nangyari sa loob ng resort.
Sinabi niya, imbes magtampisaw siya sa swimming pool ay nanood na lamang siya sa mga tao.
Umabot ng 1,000 shares sa social media ang nasabing video at marami ang hindi napigilan na mag alala sa rami ng tao na nagkadikit-dikit sa nasabing resort.
Ayon sa isang panayam noon kay Health Secretary Francisco Duque III, ligtas umanong maligo sa swimming pool ang mga tao kung may sapat itong chlorine.
“Makikitang kulay asul, mayaman iyon sa chlorine, kung kulay berde, malabo huwag po kayong magsu-swimming,” ani Duque.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang LGU ng Doña Remedios Trinidad, IATF, at ang nasabing resort ukol sa nasabing insidente.
Napag-alaman, ang Carribbean Waves Resort ay pag-aari ni Mayor Mari Flores na siyang punongbayan ngayon ng DRT.
Isa ang DRT sa mga pinakadinagsa ng mga turista noong weekend kahit malakas ang buhos ng ulan sa Bulacan. (MICKA BAUTISTA)