Friday , November 15 2024

Tama lang ba ang ginawa ng WHO?

SA ISANG IGLAP, namamayagpag uli at bida na naman si Health Secretary Francisco Duque III.

 

Bakit nga naman hindi? Lusot na siya sa P15-bilyong anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). Nagrekomenda ng mga kasong kriminal laban sa pinakamatataas na opisyal ng PhilHealth at hindi siya kabilang sa mga mananagot.

 

Hindi natinag si Duque sa kanyang puwesto sa Department of Health (DOH). Napuri pa nga siya ng Malacañang sa pagkakapili sa kanya bilang bagong chairman ng Regional Committee for Western Pacific ng World Health Organization (WHO).

 

Pero si Duque naman talaga ang pinakaakma sa posisyon dahil nasa Filipinas ang regional office ng WHO, ‘di ba? Sino naman sa mga kasamahan niya ang papayag na bumiyahe nang madalas sa Filipinas para lang sa posisyong iyon?

 

Pero mahusay si Presidential Spokesman Harry Roque sa pagpapalaki sa insidente nang sabihin niyang sumasalamin iyon sa kompiyansa ng WHO kay Duque – na para bang dapat siyang pasalamatan sa mahusay na pagtugon ng bansa laban sa pandemya.

 

Mas sumasang-ayon ako kay Senator Panfilo Lacson na hindi nagbago ang impresyon kay Duque sa kabila ng bagong titulo nito. Sabi ni Lacson: “Natuklasan ng Senado na hindi niya maayos na nagagampanan ang kanyang trabaho… at mayroong conflict of interest. Sa pangkalahatan, nakita natin na dapat na siyang palitan bilang pinuno ng DOH.”

 

Idagdag mo ‘yan sa iyong resumé, Mr. Secretary.

 

*         *         *

 

Ang isang usap-usapan ngayon ay itong blind item ng isa sa ating mga espiya tungkol sa isang mag-asawang abogado na ipinangangalandakan ang umano’y hindi maipaliwanag nilang yaman.

 

Ang lalaki ay namumuno sa isang department sa lokal na pamahalaan ng isa sa pinakamagagandang lugar sa Rizal. Ang kanyang maybahay ay isang abogado, na nagtuturo ng law, at madalas na nagpo-post sa Facebook ng kanilang marangyang pamumuhay at madalas na pagbiyahe sa labas ng bansa.

Nagmamay-ari sila ng isang napakagandang bahay sa isang eksklusibong subdibisyon, dalawang mamahaling condo, at isang beachfront property sa Western Visayas para sa kanilang pagreretiro. Nakalimutan ko nga palang banggitin ang Jaguar at Range Rover sa kanilang garahe, bukod sa iba pa nilang mga sasakyan, at sa bongga nilang art collection.

Magnifico!

Ang problema, ang suweldo ni Mr. Public Official, kahit pa dagdagan ng kita sa pag-aabogado ng kanyang misis, ay hindi magagawang makabili ng lahat ng iyon. Pero dahil siya ay solid appointee ng mga pinakamakakapangyarihan, madali lang sa kanyang kontrolin ang mga gawain sa kanyang departamento. Napunta na marahil sa kanyang ulo ang hangin sa kanilang kinalulugaran.

Ayon sa mga insider, imposibleng maging ganoon siya kayaman maliban na lang kung may ginagawa siyang anomalya sa kanyang tanggapan na nabubuhay sa tiwala ng publiko – iyong tipo ng mga palihim na transaksiyong may katumbas na habambuhay na pagkabilanggo.

Pero hindi na siguro natin malalaman pa ang buong katotohanan tungkol dito, dahil malaya na niya itong malulusutan ngayong hindi na basta ipasisilip ng Office of the Ombudsman ang kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) nang walang permiso mula sa kanya.

 

I-click lang ang “like” kung sa palagay ninyo ay kailangan nang palitan ang buong liderato ng Ombudsman. I-click naman ang “share” kung kakilala ninyo ang mag-asawang abogadong bida sa ating blind item.

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

 

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *