IPINAGBAWAL na ang pagpapatugtog nang malakas tulad ng mga karaoke at videoke habang nagkaklase ang mga estudyante sa lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan.
Nakasaad ito sa Kautusang Panglungsod Blg. 79-2020 na bawal na ang pagpapatugtog nang malakas ng mga naturang aplliances mula 7:00 am hanggang 4:00 pm, at mula 10:00 pm hanggang 7:00 am, mula Lunes hanggang Biyernes.
Inilabas ang alituntunin bilang pagsuporta sa mga mag-aaral na sumasailalim sa online o distance learning sa kanilang mga bahay ngayong may pandemya.
Nakasaad din sa memorandum na pagmumultahin ang mga lalabag sa kautusang ito mula P500 sa unang paglabag; P1,000 sa ikalawa; at P3,000 sa ikatlong paglabag.
Kaugnay nito, inatasan ng Bulacan PNP ang mga barangay official sa nasabing lungsod na makipagtulungan sa pagpapatupad ng naturang batas.
(MICKA BAUTISTA)