KULONG ang dalawang hinihinalang sangkot sa droga matapos makuhaan ng mahigit sa P.3-milyong halaga ng shabu makaraang masita ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa curfew at hindi pagsusuot ng face mask sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang naarestong mga suspek na si Henison Tanghal, alyas Entong, 42 anyos, at Christopher Reyes, 44 anyos na isang pedicab driver, kapwa residente sa Celia 2 St., Barangay Bayan-Bayanan ng nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002 ang dalawang suspek na ngayon ay nasa detention cell ng Malabon city police.
Sa ulat ni Col. Tamayao kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ronaldo Ylagan, dakong 11:00 pm habang nagsasagawa ng Oplan Galugad na may kaugnayan sa Simultaneous Enhanced Managing Police Operation (SEMPO) ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 sa pangunguna ni P/Lt. Robert Kodiamat sa kahabaan ng Celia 2 Barangy Bayan-Bayanan, nakita nila ang mga suspek na lumabag sa curfew at walang suot na face mask.
Agad dinakip ang dalawa at nang kapkapan ay nakuha sa kanila ang 41 piraso ng plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 51 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P346,800 ang halaga, dalawang weighing scale, isang kulay asul na medicine kit at P3,300 cash.
Kaugnay nito, pinuri ni Gen. Ylagan ang Malabon Police sa pamumuno ni Col. Tamayao dahil sa matagumpay na pag-aresto sa dalawang hinihinalang drug suspects na nagresulta sa pagkakakompiska ng ilegal na droga. (ROMMEL SALES)