NASAKOTE ang pitong karnaper mula sa lungsod ng Muntinlupa, sa mainit na pagtugis ng pulisya laban sa mga suspek sa bayan ng San Miguel, sa lalawigan ng Bulacan, kahapon ng umaga, 7 Oktubre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga arestadong suspek na sina Christian Golez, Marlon Reyes, Jephreil Pulpulaan, Jayson Tiangco, Kevin Sabido, Charmaine Bilagat, at Christopher Sarmiento.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), kinarnap ang isang gray metallic Toyota Fortuner, may plakang NEF 3920 habang nakaparada sa driveway ng may-ari ng sasakyan na kinilalang si Jiade Wang noong Martes ng tanghali, 6 Oktubre.
Agad itong ini-report ni Wang sa Muntinlupa City Police Station nang matuklasang ito’y nawawala.
Sa pamamagitan ng GPS tracking device na naka-install sa kinarnap na sasakyan, nagsagawa ang mga operatiba ng Muntinlupa CPS-Anti Carnapping Unit ng hot pursuit operations at nang makarating sa bayan ng San Miguel ay humingi ng police back-up mula sa Bulacan 2nd PMFC at San Miguel MPS.
Sinundan ng pinagsanib na puwersa ng Muntinlupa CPS-ANCAR, San Miguel MPS, at 2nd Bulacan PMFC sa Barangay Salacot, sa nasabing bayan, ang kinarnap na Toyota Fortuner at ang nakabuntot ditong pulang Mitsubishi Mirage, may plakang NDP 4049, sakay ang tatlo sa mga suspek.
Huminto ang Mirage nang mapansing may nakasunod sa kanila saka sumuko sa mga awtoridad ang mga sakay na suspek.
Sa pagpapatuloy ng pagtugis sa sinasabing carnapped vehicle, huminto ito sa isang gasolinahan sa nabanggit na barangay at wala nang nagawa ang mga suspek kung hindi ang sumuko sa mga operatiba.
Matapos marekober ang carnapped vehicle, lumutang ang may-ari nito kasama ang mga tauhan ng Muntinlupa CPS-ANCAR sa San Miguel MPS at kinompirmang ang naturang sasakyan ay kinarnap noong 6 Oktubre sa lungsod ng Muntinlupa.
Napag-alamang isa sa mga suspek na si Christian Golez ay driver ng may-ari ng kinarnap na sasakyan.
Nasa kustodiya ng San Miguel MPS ang lahat ng mga nadakip na suspek para sa imbestigasyon bago sila i-turnover sa Muntinlupa CPS. (M. BAUTISTA)