Sunday , December 22 2024

Ang House ang laging wagi

PARA sa mga nakasubaybay pa rin sa zarzuela sa Kongreso, bahala na lang kayo. Sawa na akong manood ng bangayan ng mga politiko na maraming beses nang nangyari noon — parang script ng teleserye na ilang beses nang inulit-ulit kaya naman mas pinipili na ngayon ng mga manonood ang mas orihinal na kuwento sa mga Koreanovela.

 

Matagal nang nakasalalay sa bilang ng kaalyado ang labanan sa speakership at ang 184-1-9 (pabor-kontra-abstain) na botohan nitong Miyerkoles ay malinaw na pumabor sa pananatili sa puwesto ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang lider ng Kamara, na hindi aabot sa 300 ang kasalukuyang miyembro.

 

Siyempre pa, may conspiracy theory na lahat, puwera sa isa, sa kampo ng kanyang karibal ay walang ideya sa gagawin niyang ‘kunwaring-resignasyon’ sa plenaryo. Pero kahit pa dumalo ang lahat ng kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang araw na iyon, malinaw na matagal nang napaghandaan ni Cayetano ang senaryong iyon.

 

May isa pang pagkakataon si Velasco sa 14 Oktubre, dahil plano ng kanyang mga kaalyado na ideklarang bakante ang posisyon ng Speaker. Abangan natin kung nagawan na niya ng paraang makahakot ng kinakailangang bilang sa Kamara.

 

Anuman ang maging kahihinatnan — gaya nga ng kasabihan sa casino — “the House always wins.” Nasa Kongreso ang susi ng pondo para sa taong bayan at sinaid na ng lahat ng kasapi nito ang laman ng ating mga bulsa habang patuloy daw nilang nasa isip ang kabutihan ng ating bayan. Hah!

 

Sabihin na nating nagsawa na ako, pero napagtanto ko kasing walang aral na matututuhan ang ating mga anak sa agawan sa kapangyarihan nina Cayetano at Velasco sa Mababang Kapulungan. Isa lamang itong politikahan sa Batasan na, sa totoo lang, paulit-ulit nang nangyari, bagamat nag-iiba-iba ang sangkot. Alam na nating para sa ating mga “honorables,” marami ang naglalaro dahil sa pansariling pakinabang, hindi para mapatunayan ang “honor.”

 

*             *             *

Para naman sa mga nagtatanong kung ano na ang nangyari sa napakamakapangyarihang basbas ni Duterte, at bakit mistulang nawalan ito ng bisa sa malapit pa namang kaibigan ng kanilang pamilya, si Velasco… ito ang isang bagay na alam ni Cayetano at mismong ni Duterte – ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng sangay ng Ehekutibo at Lehislatibo ay may halos perpekto nang equilibrium sa ngayon.

 

Nakabinbin sa Kongreso ang pagpapasa sa huling isang-taong budget ng administrasyong Duterte, na lubhang kritikal upang makompleto ng Pangulo ang kanyang mga pamanang proyekto bago ang election-year, o half-year budget sa 2022.

Sa madaling sabi, nalalapit na ang Pangulo sa mga araw kung saan mananamlay na ang kanyang kapangyarihan, anuman ang ratings niya ngayon sa surveys. Nagiging maginoo at prangka lang ang Presidente nang sabihin niya na mahalagang mayroong palabra de honor ang isang tao, habang malayang kinikilala ang pinakamaraming boto ng collegial body.

 

Para kay Duterte, ito ang pangunahing mensahe niya sa Kamara: “Please, pass my budget!” At ‘yan din ang makukuha niya kung pahihintulutan niyang manalo ang House.

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *