HINDI pa man umuupo sa pagiging Speaker ng Kamara si congressman Velasco ay ayaw nang sumunod sa pakiusap ng Pangulo.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, halos apat na beses hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte kay congressman Velasco na ipagpaliban hanggang Disyembre ang pagpapalit ng liderato para masigurong maipapasa muna ang pambansang budget.
Ngunit nagmatigas umano ang kinatawan ng Marinduque.
“No extension daw.” Ito ang tugon ni Cong. Velasco sa paulit-ulit na pahiwatig ng Pangulo.
Sinabihan pa niya ang Pangulo na kung hindi niya itutuloy ang unang 15-21 agreement ay baka walang maniwala sa kaniya.
Bakit kaya gigil na gigil si congressman Velasco na umupo na ngayong October 14? Tanong ng maraming mamamayan. Bakit hindi kayang magsakrispisyo si Cong. Velasco ng dalawang buwan na lang? Ano ba ang mas mahalaga ang interes ng bayan o ang sariling ambisyon.
Nakalulungkot kasi na panahon ng pandemya ngayon, imbes unahin ang trabaho ay ignigiit ang pagiging speaker niya.
Hindi makatutulong sa bansa ang girian ng mga opisyal ng Kongreso lalo na ngayong tambak ang trabahong dapat asikasohin dahil sa krisis na kinakaharap ng bansa.
Bilang Pangulo, walang kinakampihan si tatay Digong kina Speaker Cayetano at Congressman Velasco.
Ayon kay Pangulong Duterte mismo, ang kanyang pakiusap kay Congressman Velasco ay hindi para kay Alan, ngunit para ito sa bayan. Hindi naman ito nangangahulugang bibigyan ng dagdag na buwan ang kasalukuyang Speaker at malalamangan ang susunod.
Simple lang naman ang mensahe ng Pangulo. Isantabi muna ang politika at bigyan ng prayoridad ang pagpapasa ng budget para makatulong na makabangon ang mga sektor na lubos na naapektohan ng coronavirus. Maraming nagugutom at nawalan ng trabaho. Ngayon mas kailangang magkaisa ang buong kongreso kasama ang ibang ahensiya ng gobyerno para mas mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo. Nakasalalay dito ang mabilis na pagpasa ng isang budget na tutugon sa pangangailangan ng bawat Filipino at magpapasigla ng ekonomiya muli.
Nabanggit ni Speaker Cayetano sa kanyang talumpati sa Kongreso na ang mungkahi raw ni Congressman Velasco na ipasa na lang ng Kamara ang panukalang budget na ipinasa ng Ehekutibo nang walang pagbabago para mapabilis ang proseso.
Bilang ordinaryong taxpayer, hindi naman po yata magandang pakinggan kung ganoon ang paraang nakikita ni Cong. Velasco para pabilisin ang pagpasa ng pambansang budget. Hindi ba parang trabahong tamad ‘yun?
Sa panahon ng pandemya, kailangan mas maging agresibo ang mga pinuno sa Kamara. Maaaring kaalyado ang karamihan ng Presidente ngunit dapat ay busisiin din ang mga nilalaman ng panukalang budget para sa 2021.
Trabaho nilang balangkasin ang budget ayon sa pangagailangan ng mga probinsiya at rehiyon. Hindi naman sila “rubber stamp” na sunod nang sunod lang.
Sa gitna ng pandemya, napakahalaga ng bawat piso na gagastusin ng gobyerno kung para saan at kung gaano kalaki ang budget na ibibigay, lalo na’t napakaraming dapat pondohan. Ang sektor ng agrikultura at kalusugan ay dapat pagtuunan ng pansin ngayon. Higit pitong milyong Filipino ang nakaranas ng gutom sa nakaraang tatlong buwan dahil sa kawalan ng trabaho at dahil na rin sa pagkalat ng virus. Mahigit 5,000 na ang namatay at hanggang ngayon lagpas 50,000 pa rin ang hindi gumagaling sa CoVid-19 sa Filipinas.
Sa panahon ng krisis, hindi maaaring papatay-patay at mabagal ang galaw ng Speaker ng Kamara kailangan din malaki ang tiwala ng bawat miyembro sa kanyang liderato.
Kung ngayon pa lang ay hindi na sinusunod ang pakiusap ng Pangulo na unahin ang interes ng bayan at hindi din gustong magtrabaho para mas maiayos ang laman ng budget para sa susunod ng taon, ano pa ang maasahan ng taong bayan kay Cong Velasco kung siya ang susunod na uupo bilang Speaker?