Friday , November 15 2024

Palabra de Honor  

NGAYONG wala na ang gabi-gabing huntahan sa mga kaibigan na politika ang paboritong pinupulutan, tambayan ko ngayon ang terrace sa ikalawang palapag ng aming bahay o ang swing sa garahe habang ine-enjoy ang maginaw na gabi.

 

Nakatira ako malapit sa Cubao sa Quezon City, pero sigurado akong sa dako ng Batasan nanggagaling ang naaamoy kong niluluto. Sa nakalipas na mga araw ay naglalaway ako sa Chinese food (marahil kayo rin), pero hindi maaaring magkamali itong aking pang-amoy na ang humahalimuyak sa dakong iyon ay natitiyak kong “lutong Macau.”

 

Noong nakaraang linggo, ilan sa atin ang nabigla nang sinabi ng presidential — siyempre, hindi prodigal — son na si Paolo Duterte na hihimukin niya ang mga kapwa kongresistang Mindanaoan para ideklarang bakante ang puwesto ng Speaker at deputy speakers. Kudeta sa Kamara? Hindi na bago ang ganoon, itanong n’yo pa sa kanila.

 

Kalaunan ay nabistong nagmamaktol lang pala siya dahil sa dayaan sa hatian ng pondo sa bawat legislative district sa panukalang budget ng DPWH para sa 2021. Kaya walang nangyaring palitan ng liderato.

 

Pero kailangan pa ba ng ganitong mga kadramahan kung ang “bestie” ng pamilya Duterte — si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco — ay, sa bisa ng term-sharing agreement na selyado ng mismong Pangulo noong Hulyo 2019, nakatakdang maupo bilang Speaker kapalit ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa pagtatapos ng susunod na buwan?

 

Batay sa napagkasunduan ng mabubuting ginoo, pamumunuan ni Cayetano ang Kamara sa unang 15 buwan ng 18th Congress, ‘tsaka siya hahalinhan ni Velasco, na maninilbihan naman sa natitirang 21 buwan hanggang makapaghalal ang taong bayan ng bagong presidente at mga mambabatas sa 2022.

 

Pero naroon pa rin ang impresyon na may niluluto sa Kamara; dahil pagkatapos na magdulot ng alarma sa plenaryo ang kudeta-ang-datingan na pakana ng nakababatang Duterte, umusbong mula sa hanay ng mga tatahi-tahimik na kongresista ang hindi pasisindak na “supermajority.”

Ano’ng sumunod na nangyari? Isa-isa silang lumantad upang ipagsigawan ang pangalan ni Cayetano, pinakapuri-puri ang kanyang pamumuno, at nanawagang ipawalang-bisa na ang kasunduan sa paghahati ng termino sa dahilang nabago ng coronavirus pandemic ang kalakaran sa Mababang Kapulungan.

 

Ang ilan sa kanila ay hindi ganoon kalantaran, pero pareho rin ang tinutumbok — si Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal (Nacionalista Party), na kumakatawan sa Northern at Southern Mindanao; si Ilocos Sur Rep. DV Savellano ng Northern Luzon Alliance; si Batangas Rep. Elenita Ermita Buhain, chairperson ng Southern Tagalog development committee; ang pitong kongresista ng Cavite na lumagda sa manifesto ng suporta para kay Cayetano — ang isa sa kanila, si Rep. Elpidio Barzaga Jr., ay presidente ng National Union Party na may 62 miyembro; ang mga prominenteng Liberal Party members na sina Majority Leader Boyet Gonzales at Caloocan City Rep. Egay Erice; at maraming iba pa.

 

Pero katangi-tangi para sa akin ang isang kongresista na, sa aking opinyon, ay malinaw na nanindigan sa puno’t dulo ng usaping ito — ang palabra de honor. Mayroong matinong kasunduan, selyado ng pagkakamay ng dalawang pinuno na inirerespeto ng mga kapwa nila mambabatas, at ang mga ipinapangako ay buong-puso nilang sinusumpaan sa harap ng Diyos, ng bayan, at ng ‘poong Duterte.’

 

Kung babalewalain lang ang lahat nang ito, hindi ba nakahihiya na maging ang mga magnanakaw ay mayroong sagradong kasabihan na “may respetohan kahit sa grupo ng mga kawatan,” gayong silang mga kagalang-galang ay walang pagpapahalaga sa kasunduan? Pero, teka lang… may mga magnanakaw ba sa Kongreso?

 

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *