TADTAD ng saksak sa katawan ang dalawang nursing graduates at ang kasamang isa pang estudyante nang matagpuan sa ginagawang bahay ng kanilang kamag-anak sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Glydel Belonio, 23 anyos; ang kaibigang si Mona Ismael Habibolla, 22 anyos, kapwa nursing graduat; at Arjay Belencio, 22 anyos, estudyante, pinsan ng una, na pawang natagpuang tila minasaker at tadtad ng saksak sa kanilang mga katawan sa ginagawang bahay ng kanilang kaanak sa Catmon St., Phase 1, Barangay 179, Amparo Subd., ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 12:30 pm, nang matagpuan ang duguan at walang buhay na katawan ng tatlong biktima.
Ayon sa pulisya, isang kaanak ng mga biktima ang nakisuyo kina Jhonny Aliansas, 30 anyos, may-asawa, panadero, ng Vanguard St., Barangay 178, Camarin, at John Roy Sarmiento, 20, binata, estudyante, na puntahan ang ginagawang bahay dahil paulit-ulit nilang tinatawagan sa cellphone ang mga biktima ngunit hindi sumasagot.
Pagdating sa naturang bahay ay nakakandado ang gate kaya’t binato ng dalawa ngunit wala pa rin lumalabas o sumasagot.
Nagpasya sina Aliansas na akyatin ang bakod ngunit pagpasok nila sa bahay ay bumulaga sa kanila ang mga bangkay ng tatlong biktima kaya’t tumawag sila sa awtoridad.
Unang nagresponde ang mga barangay tanod na sina Geronimo Cano at Reynaldo Vecino, kasama sina Patrolman Jimmy Vargas at Patrolman Gellord Catabang ng Caloocan Police Sub-Station 15.
Ayon sa pulisya, nakatarak pa sa likod ni Belencio ang kutsilyo nang kanilang matagpuan.
“Walang palatandaan na mayroong forced entry,” ayon kay Lt. Col. Ilustre Mendoza, city police assistant chief for administration.
Isinantabi ang motibong pagnanakaw dahil ang cellphone ng mga biktima ay natagpuan pa sa kanilang kama.
Pero tinitingnan na paghihiganti ang malakas na motibo, matapos mabatid na nahuli ni Glydel ang isang construction worker na sumisinghot ng shabu kaya tinanggal sa trabaho.
Inimbitahan ng awtoridad ang dalawang kapatas at ang mga construction workers para sa imbestigasyon. (ROMMEL SALES)