KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang fish porter matapos harangin at pagbabarilin ng isa sa tatlong suspek habang nagtatapon ng basura sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Patuloy na ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang kinilalang si Gerald Enrique, 30 anyos, residente sa 1st Street, Block 28, Lot 7, Barangay Tañong ay isinugod ng kanyang live-in partner sa Ospital ng Malabon ngunit kalaunan ay inilipat sa nasabing ospital kung saan ito patuloy na inoobserbahan sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa follow-up operation ng mga tuahan ng Malabon Police Sub-Station 6, agad naaresto si Melvin Perdez, 27 anyos, at Nixon Vinluan, 25 anyos, kapwa residente sa C-4 Road, Barangay Tañong habang ang sinasabing gunman na si Antonio Mendoza, 22 anyos, alyas Oting, ay pinaghahanap ng pulisya.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/Cpl. Archie Beniasan at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, dakong 1:30 am, magtatapon ang biktima ng basura nang harangin ng mga suspek sa kahabaan ng C-4 Road.
Isa sa mga suspek ang naglabas ng baril saka pinagbabaril si Enrique sa katawan saka mabilis na nagsitakas habang isa sa tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa insidente ay personal na alitan. (ROMMEL SALES)