KUNG ikokompara sa mabigat na kisikisan o labanan, masasabi nating walang kagalos-galos si Health Secretary Francisco Duque III sa nagdaang Senate investigation kaugnay ng multi-bilyong iregularidad na nagaganap sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Nitong nagdaang linggo, inaprobahan ng Senado ang ulat na nagrerekomendang sampahan ng kaso kaugnay ng korupsiyon ang maraming senior officials ng PhilHealth.
Kabilang dito si Ricardo Morales, nagbitiw bilang CEO, at si Secretary Duque, nanunungkulang ex-officio chairman of the board.
Ang rekomendasyon ay pagkatapos ng serye ng pagdinig nitong nakaraang Agosto at natagpuan ng mga mambabatas ang sandamakmak na iregularidad sa implementasyon ng interim reimbursement mechanism (IRM), na nagbabayad sa mga ospital na apektado ng kalamidad gaya ng bagyo, at iba pa, upang matiyak na tuloy-tuloy ang operasyon at mga probisyon ng health care services.
Lalo pang nabuyangyang ang mga iregularidad sa IRM nang ituon ito para sa mga pasyenteng apektado ng CoVid-19.
Pero ang nakagugulat, sa rami ng opisyal ng PhilHealth na sinampahan ng kaso — bakit hindi lumutang ang pangalan ni Secretary Duque?!
Sa totoo lang, ilang beses nang nakaladkad ang pangalan ni Duque sa eskandalo sa ilalim ng administrasyong Duterte lalo ngayong panahon ng pandemya pero talagang hindi siya matinag-tinag sa kanyang kinalalagyan.
At tuwing maaabsuwelto, tila nagkakaroon pa siya ng pagkakataong magsabi na, “O tingnan ninyo, winner aketch!”
E kahit nga si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, muntik malaglag sa kinauupuan niya nang matuklasan niyang hindi kasama sa asunto si Duque.
Hindi lang si Senate Prexy Tito Sen, marami talaga ang na-shock kung bakit hindi kasama sa asunto si Duque.
Kumbaga sa pusa, parang ‘siyam’ ang buhay ni Duque. Hindi mamatay-matay. Tapos may kasunod pa ‘yan na pabulong… “ang suwerte mo boy!”
Ilang senador din ang nagtataka kung bakit hindi man lang nasampahan ng kaso si Duque gayong mayroon siyang command responsibility?
Aba, tayo man ay takang-taka! Lusot na lusot si Secretary Duque.
Ano ba talaga ang ‘birtud’ na ginagamit ni Duque?!
Sa huling eskandalo sa PhilHealth, hindi kasama sa mga sinampahan ng kaso si Duque dahil hindi sapat ang ebidensiya na nagsasangkot sa kanya sa mga iregularidad.
Ano ang ibig sabihin nito? Mahusay bang maglinis ng dumi si Duque?!
Mangyari kaya itong muli sa ilalim ng pamumuno ng CPA lawyer na si Dante Gierran sa PhilHealth na binigyan ng buong basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte upang ‘linisin’ ang nasabing ahensiya.
Abangan!
ANG PABORITONG “RENO”
NG SAMBAYANANG PINOY
HINDI REHISTRADO SA FDA?
Kumbaga, sa edad masasabing, senior citizen na ang produktong Reno Liver Spread dito sa ating bansa.
Katunayan hindi lang ito paboritong palaman sa tinapay, lahok din ito sa iba’t ibang lutuing ulam gaya ng kaldereta, afritada, menudo, sauce ng lechon at marami pang iba, lalo na kung piyesta.
Kaya naman nagulantang, ang buong bansa kahapon nang maglabas ng babala ang Food and Drug Administration (FDA) nitong Miyerkoles, 16 Setyembre, na huwag bumili ng Reno dahil kabilang ito sa “unregistered food products and food supplements.”
Sabi ng FDA walang Certificates of Product Registration (CPR) ang Reno, Miracle White Advance Whitening Capsules Food Supplement; Turcumin 100% Natural & Standardized Turmeric Curcumin; Desa Spanish Style Bangus in Corn Oil; at ang Samantha Dips and Sauce Spanish Sardines Paste Sauce.
Mantakin ninyo, mahigit kalahating siglo na sa merkado, saka pa lang natuklasan ng FDA na hindi ito rehistrado?
Ang haba ng panahon, e ano palang ginawa ng mga tao sa FDA? Ibig bang sabihin niyan ngayon lang sila nagtatrabaho?
Director General Eric Domingo, pakilublob nga ninyo sa isang drum ng hindi rehistradong liver spread ang mga inutil diyan sa FDA!
Please…