MATAGUMPAY na nadakip ng pulisya ang itinuturing na ‘multi-million scammer’ sa lalawigan ng Bulacan nang salakayin ng mga awtoridad sa kanyang pinaglulunggaan sa Baragay Pagala, sa bayan ng Baliuag, nitong Lunes, 14 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), inaresto ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) ang suspek na kinilalang si Ma. Lea Ulang, 29 anyos, dalaga, negosyante, at residente sa Barangay Layunan, bayan ng Binangonan, sa lalawigan ng Rizal.
Batay sa ulat ni P/Maj. Jansky Andrew Jaafar, hepe ng Bulacan Intelligence Unit, nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Mario Capelan ng RTC Malolos City, Branch 1 para sa kasong estafa na may petsang Agosto 2020.
Samantala, nang makita sa Facebook ng isa sa kaniyang mga naging biktima na kinilalang si Rosemarie Guerrero ang pagkakaaresto sa suspek, kaagad siyang nagsadya sa tanggapan ng Bulacan PPO at naghain din ng reklamo.
Ayon sa biktima, siya at marami pang iba ay nakombinsi ng suspek na ilagay ang kanilang pera sa investment na isa palang panlilinlang.
Dagdag ng biktima, mahigit sa P13,000,000 ang natangay sa kanila ng suspek na nagtago matapos makuha ang kanilang mga pera.
Pansamantalang nasa kustodiya ng PIU ng Bulacan PPO ang suspek para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda ang mga kasong kriminal laban sa kaniya na ihahain sa korte. (MICKA BAUTISTA)