Sunday , December 22 2024

Regalo ng kabutihang-loob

KAKATWA kung paanong ang ugnayan natin sa makapangyarihang bansa na tulad ng Amerika – na nakasalalay sa mahahalagang usaping tulad ng ekonomiya, pamumuhunan, seguridad at depensa, imigrasyon, ayuda, at ngayon, pandaigdigang kalusugan – ay biglang magbabago sa isang iglap dahil sa pamimik-ap sa isang bar na nauwi sa pagpatay sa loob ng isang motel.

 

Anim na taon na ang nakalipas, ganito ang eksaktong epekto sa ugnayan ng Filipinas at Amerika nang natagpuang patay ang transgender woman na tubong Olongapo na si Jennifer Laude, nakalupasay sa banyo habang nakasubsob ang mukha sa inodoro, dahil ang may kagagawan ng krimen ay isang US Marine – si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

 

Nag-alimpuyo ang sentimyento laban sa Amerika mula sa bansang naging saksi sa pinakamatitinding digmaang kinasangkutan ng Amerika habang ipinamamalas ang kapangyarihan at impluwensiya nito sa Asya. Kaya naman tinutukan ng lahat ang noon ay napakainit na balita sa pag-aresto, paglilitis, pagbabasa ng hatol, at pagkukulong kay Pemberton. Kalaunan, nakamit ang hustisya at nag-move on na ang dalawang bansa mula sa ugnayang Pemberton-Laude.

 

Pero teka… ganito ang inakala ng lahat hanggang sa pagkalooban ni Pangulong Duterte ng absolute pardon si Pemberton nitong Setyembre 7. Ang parehong Presidenteng nangako sa ina ng biktima, si Mrs. Julita Laude, tatlong taon na ang nakalipas na hinding-hindi mapapalaya ang pumatay kay Jennifer habang siya ang pangulo ng bansa – at sa 2022 pa magtatapos ang kanyang termino.

 

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang ginawa ng Pangulo ay pagpapakita ng kabutihang-loob.

 

At malayong-malayo sa bangis na ipinamalas niya noong bahagi pa siya ng mga abogadong nagtatanggol kay Laude, tinangka ni Presidential Spokesman Harry Roque na bigyang katuwiran ang ginawa ng Presidente bilang diplomatikong paraan upang mabigyang prayoridad ng Amerika ang Filipinas kapag nakalikha na ito ng bakuna laban sa CoVid-19.

 

Bilang biyaya mula sa Pangulo, tama si Guevarra nang sinabi niyang ang pagpapatawad kay Pemberton ay isa sa mga kapangyarihan ng Punong Ehekutibo na nakabatay sa Konstitusyon. Bukod dito, pasok din si Pemberton sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), at may basbas na rin ito ng korte.

 

Pero okay din sa timing si Duterte sa paggamit ng kanyang rare-as-genie-in-a-bottle wishes, ano? Isipin n’yo – noon lang nakalipas na taon, sinibak niya ang mga opisyal ng Bureau of Corrections at binawian ng kapangyarihang magbigay ng GCTA matapos na maging dahilan ito upang mapalaya ang isang grupo ng mga bilanggo. Ngayon naman, ipinamalas niya ang kabutihang magpapaawit sa mga anghel sa langit.

 

Ang mahalaga ay walang naririnig na reklamo mula sa Simbahan sa pagkakataong ito. Pero binigyan niya ng dahilan ang mga militanteng grupo at ang kanyang mga kritiko upang makibakang muli sa lansangan para akusahan siya ng pag-abuso sa kapangyarihan, na labag sa pagsasarili ng hudikatura at sa sentimyento ng mga Filipino.

 

Para sa akin, hindi ako pabor sa ideya ng pagpapatawad kapalit ng bakuna.

 

Kung may isang bagay na malinaw na sinasabi si “Floppy Bird” sa akin, ito ang pagkakaroon ng dalawang paksiyon sa pinakamataas na kapulungan ng gobyerno – ang una ay pro-US, at ang isa pa ay pro-China. Sa nakalipas na mga buwan, labis nang pinagbibigyan ni Duterte ang paksiyon ng mga pro-China sa kanyang Gabinete. Panahon na, at siyang nararapat, na bigyan ang kabilang panig ng regalo ng kabutihang-loob.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *