TINATAYANG P748,000 halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya sa buy bust operation na inilatag sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, kamakalawa ng hapon, 13 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang nadakip na suspek na si Marites Montallana, residente sa A. Mabini St., Barangay Mojon, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat mula kay P/Capt. Philander Alunday, Officer-in-Charge ng Malolos City Police Station (CPS), dakong 3:15 pm nang ikinasa ang buy bust operation sa nabanggit na barangay.
Isang undercover intelligence operative ang umaktong poseur buyer at nakabili ng selyadong transparent plastic sachet ng shabu mula sa suspek.
Matapos magpositibo ang operasyon, inaresto ng mga awtoridad si Montallana at nasamsam mula sa kanya ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P748,000, timbangan, disposable lighter, tooter, aluminum strip, keypad cellphone, maliit na pouch, at buy bust money.
Dinala ang mga nakuhang ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office upang isailalim sa laboratory examination.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)