NASAKOTE ang dalawang tulak ng ilegal na droga na nasa watchlist ng pulisya matapos makuhaan ng P340,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Christopher Mendoza, alyas Topeng, 37 anyos, residente sa Barangay 4, Sangandaan; at Percival Dela Cruz, 48 anyos, ng Kawal St., Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni Caloocan Police chief Col. Dario Menor, dakong 3:30 pm nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa Dagat-Dagatan Ext., cor Torcilio St. Barangay 28.
Isang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksiyon ng P40,000 halaga ng shabu sa mga suspek.
Nang iabot ng mga suspek ang isang knotted tied plastic bag ng shabu sa poseur-buyer kapalit ng marked money agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang aabot sa 50 gramo ng shabu na nasa P340,000 ang halaga, isang P,1000 bill kasama sa 39 piraso ng P1,000 boodle money, at isang kulay green na Honda Civic may plakang WAY-742.
Kasong paglabag sa Section 5, 11, at 26 ng Article II, RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutors’ Office. (ROMMMEL SALES)