MATAPOS maging suspect sa dalawang heinous crime sa nakalipas na dalawang dekada, itinalaga bilang opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) si dating police colonel Cezar Mancao II.
Kinompirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Mancao bilang Executive Director V ng Cybercrime Investigation and Coordination Center ng DICT.
Kompiyansa aniya ang Palasyo na ang “credentials” ni Mancao ay makapag-aambag sa cybercrime prevention sa bansa.
“We are confident that Mr. Mancao’s credentials would contribute in cybercrime prevention in the country,” ani Roque sa kalatas.
Matatandaan, si Mancao ay naging testigo sa Dacer-Corbito double murder case at tumakas mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2013 bago mailipat sa Manila City Jail makaraang maging suspek sa krimen.
Itinuro ni Mancao ang dati niyang amo na si Sen. Panfilo Lacson bilang utak sa pagpatay kay PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito nang pabalikin siya sa Filipinas mula sa Amerika maging sina dating police colonels Michael Ray Aquino at Glenn Dumlao, mga akusado rin sa Dacer-Corbito double murder case, noong 2009.
Nauna rito, kasama rin si Mancao sa mga akusado sa Kuratong Baleleng Gang rubout case noong 1995. (ROSE NOVENARIO)