IIMBESTIGAHAN ang isang textile company na nakabase sa lalawigan ng Bulacan dahil sa iregularidad kaugnay ng tax credit certificates (TCC) na nag-udyok sa Department of Finance (DOF) na iurong ang P57-milyong grant at P262-milyong tax credit refund nito.
Ayon sa DOF, kasalukuyang tinitingnan ng Commission on Audit (COA) ang TCCs na inisyu sa Indo Phil Group of Companies ng mga nakaraang administrasyon.
Habang nakabinbin ang pinal na desisyon mula sa imbestigasyon, ang DOF at Department of Labor and Employment (DOLE) ay hiniling na pigilin muna ang refund.
Sa ulat ni Emee Macabeles, executive director ng One-Stop Inter-agency Tax Credit at Duty Drawback Center kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niyang, “We highlight that Indo Phil Acrylic Manufacturing Corp. (IPAMC), Indo Phil Cotton Mills Inc. (IPCMI), and Indo Phil Textile Mills Inc. (IPTMI) are covered by the COA SAO (Special Audits Office) Report 2018-06, with findings of irregularities on the TCCs issued to each company for years 2008-2014.”
Dagdag ni Macabeles, unang hiniling ni Shanti Sipani, presidente ng kompanya, na iproseso ang kanilang refund, ngunit ang DOF ay nag-ingat dahil sa napakalaki ang halagang sangkot dito.
Ang Indo-Phil ay Filipino-Indian joint venture na nakabase sa bayan ng Marilao kung saan kabilang sa negosyo nito ang textile firm na Indo Phil Textile Mills Inc. (IPTMI), bukod sa iba pa. (MICKA BAUTISTA)